NORTH COTABATO – Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang magsasaka nang malunok ang nahuling isda sa lungsod ng Kidapawan kamakalawa.
Kinilala ang biktima sa alyas na Colin, 40, may asawa at residente ng Purok 2, Brgy. Amas, Kidapawan City.
Ayon kay Brgy. Amas Chairman Alexander Austria, nanghuli ng isda ang biktima at ang kanyang mga kapitbahay gamit ang koryente sa Mateo River.
Nakahuli ng maraming isdang puyo ang grupo ni Colin mula sa ilog ng Brgy. Amas.
Nang pauwi na ang magbabarkada, nagbiro ang biktima at isinubo ang isang isda ngunit bigla itong nagpumiglas at pumasok sa bibig ng magsasaka.
Halos hindi makahinga ang biktima sa bumarang isdang puyo sa kanyang lalamunan.
Dinala siya ng kanyang mga kaibigan sa Cotabato Provincial Hospital ngunit hindi na umabot nang buhay.