Friday , November 22 2024

Masamang halimbawa

00 firing line robert roqueANG mga ikinikilos ni Director General Alan Purisima, Philippine National Police Chief, ay patuloy na nagpapakita ng masamang halimbawa hindi lang para sa institusyon na kanyang pinamumunuan, kundi sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Sa puntong ito, ang tingin ng iba ay si Purisima na ang pinakamasamang pinuno na naupo sa PNP bunga ng mga kontrobersiya, kabilang na ang sinasabing “under declared property” sa Nueva Ecija, at pagtanggap ng donasyon na P11 milyon sa pagpapatayo ng opisyal na tirahan ng PNP Chief sa loob ng Camp Crame na binansagang “White House.”

Ang maanomalya umanong kasunduan sa pagitan ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) at courier service na Werfast Documentation Services noong 2011 ay nauwi sa anim na buwan niyang suspension mula sa Ombudsman.

Iginigiit ni Purisima na wala siyang kinalaman sa kasunduan dahil naitalaga lamang si-yang PNP Chief noong 2012. Pero sa isang ulat, isang retiradong heneral ng pulis at dating hepe ng Civil Security Group (CSG), na may kontrol sa FEO, ang nagsabing si Purisima ay CSG Chief of Directorial Staff nang mapirmahan ang kasunduan sa Werfast.

Ang pinakamataas na opisyal ng pulis ay nakitaan ng pagka-arogante nang ipagpilitan ang utos ng Ombudsman na ipasuspinde siya ay ilegal umano, at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay wala raw karapatan na isuspinde siya.

Mukha siyang determinadong suwayin ang direktiba hanggang magsalita ang matalik niyang kaibigan na si Pangulong Aquino, at sabihan siyang sumunod sa utos. Gayunman, hindi pa rin nililisan ni Purisima ang tirahan niya bilang PNP Chief sa Camp Crame.

Ang pagiging malapit ni Purisima sa Pangulo ay nagmula pa noong itaya niya ang sariling buhay para iligtas si Aquino, sa isa sa maraming tangkang coup upang agawin ang kapangyarihan sa administrasyon ng noon ay Pangulong Cory Aquino.

Ang hinala ng iba ay maaaring inakala raw ni Purisima na kahit ano pa ang kanyang gawin, hindi siya puwedeng galawin o habulin ng kahit ano pang tanggapan ng gobyerno na mas mababa sa Pangulo, dahil lagi siyang sagot ni Aquino.

Ito raw ang posibleng rason kaya wala siyang takot na tumanggap ng donasyon sa pagpapatayo ng White House, kahit na alam niyang hindi ito pinapayagan sa ilalim ng batas.

Bilang pinuno ng PNP na may 150,000 miyembro, si Purisima ay dapat magsilbing larawan ng magandang halimbawa na puwedeng tularan ng kanyang mga nasasakupan. Dapat siyang sumunod sa batas at bitiwan ang kanyang puwesto kung kinakailangan, alang-alang sa insitusyon na demoralisado sa mga negatibong isyu na bumabalot sa kanilang hepe.

Wala nang isang taon ang nalalabi para ibuhos ni Purisima ang kanyang pagsisikap upang linisin ang kanyang pangalan bago ang nakatakda niyang pagreretiro sa Nobyembre 2015.

Kung magbibitiw siya sa puwesto ay mababawasan din ang pasanin sa Pangulo, na ilang ulit nang nabatikos sa magaan niyang pagtrato sa mga kaalyado at kaibigan na may sabit tulad ni Purisima. Lumikha ito ng pagdududa sa kanyang pamumuno at kampanya na “tuwid na daan” na inilatag para sa gobyerno.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *