LABINDALAWANG tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang lalaki makaraan pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Brgy. Sabang, Baliuag, Bulacan kamakalawa ng umaga.
Sa ulat mula sa Baliuag PNP, kinilala ang biktimang si Roy Gacusan, 36, residente ng Brgy. Caingin, sa bayan ng San Rafael sa naturang lalawigan.
Nabatid sa ulat, pauwi na si Gacusan mula sa paghahatid sa anak sa paaralan nang biglang harangin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at siya ay pinagbabaril.
Sa panimulang imbestigasyon nina PO3 Maurice Cruz at PO3 Jesrael Yahwe Giron, nabatid na .45 kalibre ng baril ang ginamit ng mga salarin.
Pangunahing sinisilip na motibo sa krimen ang onsehan sa droga bagama’t patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Micka Bautista