PAGLALABANAN ng Talk N Text at Barangay Ginebra ang huling semifinals ticket ng PBA Philippine Cup sa isang sudden-death game mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Makakatagpo ng magwawagi sa larong ito ang elimination round topnotcher San Miguel Beer sa semifinal round na mag-uumpisa sa Biyernes.
Kapwa dinaig ng Tropang Texters at Gin Kings ang magkahiwalay na kalaban sa unang yugto ng quarterfinals. Tinalo ng Talk N Text ang Barako Bull, 105-76 at dinaig ng Barangay Ginebra ang Globalport, 95-78.
Kontra sa Energy ay nagbida para sa Tropang Texters ang mga rookies na sina Matthew Ganuelas-Rosser at Kevin Alas kontra Energy. Si Ganuelas-Rosser ay nagtala ng 17 puntos at nagdagdag ng 14 si Alas.
Parang pinagtiyap ng tadhana na makakaharap ni Talk N Text coach Joseph Uichico ang kanyang dating team na Barangay Ginebra na siyang huli niyang hinawakan.
Nais din ni Uichico na makabawi matapos na tambakan ng Gin Kings ang Tropang Texters, 101-81 sa opening day game ng liga noong Obtubre 19 sa Bocaue, Bulacan.
Dinomina nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter ang larong iyon para sa Gin Kings. Si Aguilar ay nagtala ng 18 puntos at 18 rebounds bukod sa limang supalpal samantalang nagdagdag ng 16 si Slaughter.
Hindi nakapaglaro para sa Tropang Texters ang mga Asian Gamers na sina Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo bunga ng injuries. Ang dalawa ay nakabalik na at nakatulong upang wakasan ng Talk N Text ang elims sa kartang 8-3 kasama ng Alaska Milk sa ikatlong puwesto. Ang Gin Kings ay nagtapos sa ikalimang puwesto kasama ng Meralco at Purefoods sa record na 6-5.
Si Uichico ay aasa rin kina Jason Castro,, Kelly Williams, Larry Fonacier at Jay Washington.
Si Barangay Ginebra head coach Jeffrey Cariaso ay sasandig naman kina LA Tenorio, Joseph Yeo, Mac Baracael at mga dating Most Valuable Player awardees na sina Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand.
(SABRINA PASCUA)