SWAK sa kulungan ang isang 62-anyos lalaki makaraan limang taon gahasain ang 17-anyos dalagitang anak ng kanyang kinakasama sa Valenzuela City.
Kinilala ang suspek na si Rolando Ibañez, ng K-Grande St., Brgy. Ugong ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni PO2 Ma. Luisa Cassandra Pabadora, ng Women and Children Protection Desk, nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktimang itinago sa pangalang Mia, kasama ang ina at pinsan upang magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Salaysay ng biktima, mula pa noong 2009 at nakatira pa sila sa Brgy. Gen. T. de Leon , nang simulan siyang gawing parausan ng amain na tumagal ng limang taon.
Ayon sa dalagita, palagi siyang tinatakot ng suspek na papatayin silang mag-ina kapag nagsumbong sa kanyang nanay kaugnay sa insidente.
Ngunit nagawang ipagtapat ng biktima sa kanyang pinsan ang ginagawa ng amain.
Bunsod nito, ipinaalam ng pinsan sa ina ng biktima ang insidente na nagresulta sa pagharap nila ng reklamo sa himpilan ng pulisya.
Pansamantalang nasa pangangalaga Social Welfare Department (SWD) ng lungsod ang dalagita para sa psychological counseling.
Rommel Sales