MAS madalas ‘yung kakapiranggot na kapangyarihan ‘yan pa ang nagpapalaki ng ulo ng ilang government employees, volunteers or civilian agents.
Sa totoo lang, may pitak sa puso natin ang mga kababayan natin na nasa ganitong antas pero lubos na nagseserbisyo sa sambayanan.
Mahirap po talaga ang trabaho nila, lalo na nga ‘yang mga konstabulate este constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ilang oras nakababad sa init ng araw.
Minsan gusto natin unawain kung bakit madaling mag-init ang kanilang mga ulo. Bukod sa mahirap magsuheto ng makukulit at matitigas ang ulo na motorista at pedestrian, nakakatiyempo rin sila ng kapwa taga-public service na maaangas.
At ‘yun po, ang unang dapat na ikinokondisyon ng mga MMDA constable sa kanilang isipan, hindi sila inilagay sa trabaho nila para makipag-away o makipag-debate.
Hindi nila pwedeng tapatan ang kaangasan at kabastusan ng mga nasisita nila dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Dapat nilang ilagay sa depensibang posisyon ang mga sarili nila dahil sila nga ay kumakatawan sa imahe ng pamahalaan.
Ang MMDA ang pamahalaan sa kalsada.
Kung dumarami na ang kaso ng banggaan ng MMDA constable versus motorista at pedestrian, tingin natin ay kailangan ng third party para hindi na humantong sa hindi magandang pangyayari.
Kung sinita ng MMDA ang isang motorista at siya ay tinakbuhan, dapat ba niyang habulin at makipag-angasan?!
S’yempre hindi, dahil malalagay lang ito sa isang malalang situwasyon.
Mas mabuti siguro kung ipaalarma sa ibang ahensiya ng pamahalaan ang isang motoristang lumalabag sa batas-trapiko.
Sa ganang atin, hindi naman kailangan, abusuhin ng isang konstabulate ‘este constable ang limitadong kapangyarihan na iniatang sa kanya kasi nga lalo lamang nagkakagulo.
By the way, MMDA Chair Francis Tolentino, hindi kaya ‘malas’ ‘yang pagpapalit mo ng pangalan ng MMDA traffic enforcer ‘e ginawa mong constable?!
Parang simula nag maging konstabulate este constable ang tawag sa kanila ‘e nagkasunod-sunod na ang indulto.
Ano sa palagay ninyo, MMDA Chair Francis?!
Paki-explain na nga po!