HINDI natin alam kung ano ag kuwalipikasyon ng Jarton Security Agency Inc., sa pagkuha ng guwardiya.
Aba ‘e nakatatakot ang ipinakitang ‘pag-awat’ ng dalawang sekyu. Nauna pa silang magwala sa nagaganap na kaguluhan.
Mantakin ninyong magdala ng M-16 at baseball bat para umano awatin ang kaguluhan sa Market Market sa The Fort.
Nabigyan ba talaga ng training ng Jarton ‘yang mga sekyu nila?
Ayon kay Chief Supt. Noel Constantino ng PNP Supervisory Office for Security and investigation Agencies (SOSIA), ilegal ang ginawa ng dalawang guwardiya at malamang ‘e matanggalan pa ng lisensiya ang agency dahil wala silang idineklarang mayroon silang M-16 rifle.
Ibig sabihin, mukhang wala pang lisensiya ang baril na inilabas ng guwardiya nila!?
Tsk tsk tsk …
Dapat maging maingat at sumailalim nang husto sa interview at pagsusuri ang kukuning mga guwardiya ng mga establishment lalo na kung mall na dinarayo ng mga tao.
Gen. Constantino, wala tayong masamang tinapay sa Jarton, pero mukhang marami silang violation at mayroong pangangailangan na isuspendi muna ang kanilang ahensiya.
Tiyakin muna ng Jarton na matitino at wala na silang warfreak na mga guwardiya.
‘Yun lang po, Gen. Constantino.