ISA ito sa mga positibong bagay sa social media.
Nagkakaroon ng kalayaan ang mga naaagrabyadong mamamayan para ipahayag ang kanilang damdamin.
Kumbaga, sa social media man lamang ay mailabas nila ang kanilang galit at sama ng loob para mabawasan naman ang stress na kanilang nararamdaman.
Tayo man po ay nagulat nang mabasa natin ang damdamin ng maraming mamamayan at naging biktima nang mai-upload ang kolum natin tungkol sa abusadong Immigration Officers (IO) na sina Aldwin Pascua at Sidney Roy Dimandal sa website ng HATAW D’yaryo ng Bayan.
Grabe ang haba ng mga reklamong naglitawan sa thread of comments at sa huling pagsipat natin ay umabot na sa 14,510 shares at ‘yung isa ay umabot na rin ng halos 2,013 ang shares.
Kada segundo ay mayroong nagpo-post ng comment bukod pa sa sharing.
Grabe!
‘Yan ang napapala ng government officials na astang naghahari-harian sa kanilang pwesto.
Kung totoo man na kulang ang requirements ng mga kababayan nating lalabas ng bansa, pwede namang sabihin nang maayos ito sa kanila.
Hindi ‘yung halos hubaran na nila ng pagkatao ‘yung pobreng mag-asawa dahil sa masasamang salita na inabot kay IO Dumaldal ‘este’ Dimandal habang ‘yung IO Pascua naman ay nagpapakaangas kahit sa public officials.
Hoy dalawang kamote, kung kayo ay pinagmartsa-martsa at pinagsigaw-sigaw lang noong mag-training kayo sa panahon ni Comm. David ‘e mabuti pang magsundalo na lang kayo at magpadala kayo sa Mindanao.
Doon ninyo ilabas ang mga kaangasan ninyo!
By the way Immigration Spokesperson Atty. Elaine Tan, alam mo ba na may kakaibang style ‘yan pinupuri mong si IO Dimandal sa iyong praise/press release last week (na hindi kinagat ng media)?
Ang style daw ng walanghiyang ‘yan ay BINUBULUNGAN ang mga pasaherong ino-offload n’ya ng masasamang salita para nga naman hindi marinig ng ibang IO?!
Madame Elaine, kaysa siguro nagpapalamig-lamig ka lang daw diyan sa opisina at mesa mo ‘e paki-monitor mo personally ‘yang idolo mo na si IO Dimandal.
Pwede ho ba!?