NOONG una po ay hindi natin pinapansin ang sinasabi ng ilang mga taga-Parañaque na parang ‘white elephant’ lang daw ang Ospital ng Parañaque.
Batay kasi sa mga naglabasang ‘pralala’ (press release) ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ang 6-storey building na Ospital ng Parañaque na ginastusan ng P200 milyones ay itinuturing umano ng Department of Health (DoH) na isa sa ‘most modern public hospitals in Metro Manila.’
Nang marinig nga natin ito ‘e, isa tayo sa mga natuwa. Kumbaga, naniniwala tayo na isang malaking achievement ‘yan para sa isang munisipyo o lungsod.
Sabi nga natin, kaya naman pala tigas na pagmamalaki ni Mayor Edwin Olivarez na proyekto raw niya ‘yang Ospital ng Parañaque. (Hindi ba’t proyekto pa ‘yan ni Mayor Jun Bernabe, na suwerteng inabot niya?)
Pero nang marinig natin ang reklamo ng maraming mga taga-Parañaque e talagang nadesmaya tayo.
Ilan sa mga reklamo ng mga pasyente na nagpunta sa Ospital ng Parañaque na umasang makararanas sila ng de-kalidad na serbisyo medikal ‘e nagkamali po sila.
Ito ang sinasabing modernong ospital ‘e wala palang ICU, walang isolation room, walang 2d-Echo.
Mayroong X-ray machine pero kadalasan ay walang plaka (negative) at higit sa lahat kung hindi pupugak-pugak ang oxygen ‘e laging nasa ZERO ang gauge ng tangke.
Kapos din ang gamit para sa mga laboratory test at sa operating room.
‘Yan po ang ipinagmamalaking ‘modernong’
Ospital ng Parañaque ni Olivarez.
Hindi ba’t maliwanag na ‘white elephant’ ‘yan?! Ginastusan daw nang P200 milyones pero hindi mapakinabangan ng mamamayan?!
‘Yang ospital na ‘yan na matatagpuan sa La Huerta ang pirming ipinagmamalaki ni Mayor Edwin Olivarez sa kanyang praise ‘este press releases.
For further information po, tanungin n’yo na lang ang mga taga-Parañaque kung ano ang silbi ng ‘PUTING ELEPANTE’ d’yan sa La Huerta.
Mayor Edwin, isang kuwestiyon lang po, totoo bang ‘yung direktor ng Ospital ng Parañaque ‘e siya ring direktor sa ospital na pag-aari ng inyong pamilya — ‘yung Olivarez General Hospital?
Pakisagot na nga po!