HULI sa akto ang isang pulis at kanyang katropa habang nagsasagawa ng pot session sa loob ng isang bahay sa Malabon City kamakalawa ng umaga.
Nanganganib na mawalan ng mga benepisyo at masibak sa tungkulin ang suspek na kinilalang si PO3 Rommel Garcia, 39, residente ng Lot, B-12, Brgy. Tanza, Navotas City, miyembro ng Caloocan City Police, at ka-tropa niyang si Reynil Molina, alyas Bong, 47, ng Leoño St., Brgy. Tañong ng nasabing lungsod, kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Batay sa ulat ni Senior Insp. Timothy Aniway, hepe ng Malabon Police, Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (AID-SOTG), dakong 11:30 a.m. nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang bahay ng suspek na si Molina sa Leoño St. ng nasabing barangay.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad na may nagaganap na pot session sa lugar kaya agad ikinasa ang operasyon at naaktohan ang mga suspek habang humihithit ng shabu.
Nakompiska mula kay Garcia ang kanyang service firearm na isang 9.mm Pietro Berreta na may anim na bala.
Rommel Sales