UNA ko pa lang nakita si Alonzo Muhlach sa TV, natuwa na ako sa kanya. Sa Tv show yata iyon ni Judy Ann Santos (Bet On Your Baby) ko siya unang napanood at pagkaraan ay sa Pinoy Big Brother naman.
Sobrang bibo at Inglisero si Alonzo at hindi maikakailang anak siya ng dating child wonder na si Nino. Paano’y kamukhang-kamukha ito ni Onin (tawag kay Nino) noong bata pa siya. Maliban lamang na mas mataba noon si Nino.
Pero sa kakulitan at pagkabibo, hindi nagkakalayo ang mag-ama (bagamat tila mas makulit si Alonzo). Kaya tiyak na marami rin ang natuwa kay Alonzo. Na tulad nina Vic Sotto, Pauleen Luna, at Direk Bb. Joyce Bernal ay giliw na giliw din sa kakulitan ni Alonzo.
Ayon kay Nino, pinaglihian siya ng kanyang asawa noong ipagbuntis si Alonzo kaya naman naging kamukhang-kamukha talaga niya ito.
Sa murang edad na tulad ni Nino, sumabak na rin sa pag-arte si Alonzo sa Metro Manila Film Festival entry ni Vic, ang My Big Bossing mula sa Octoarts Films, M-Zet TV Production, at APT Entertainment.
Ang kakulitan ni Alonzo ay mapapanood sa Episode 3 ng My Big Bossing na may titulong Prinsesa na idinirehe ni Bb. Joyce. Rito’y makakasama ni Alonzo si Ryzza Mae Dizon at si Nino.
Ang tanong lang, malampasan kaya ni Alonzo ang galing na ipinakita noon ng kanyang amang si Nino? At malampasan kaya niya ang naabot ng kanyang ama?
Masasagot natin ‘yan kapag pinanood na ang My Big Bossing sa December 25.
Samantala, walang kagatol-gatol namang sinabi ni Ryzza Mae na ang pelikula nila ang magna-number one sa MMFF.
Nang tanungin si Aleng maliit sa presscon kung magiging number one ang My Big Bossing, sinagot niya ito ng, “Absolutely without a doubt.”
Na hindi naman malayong mangyari dahil bukod kay Vic, mapapanood din sina Wally Bayola, Manilyn Reynes, at Pauleen Luna sa Episode 1 na Sirena. Ito’y idinirehe ni Tony Y Reyes. At sa Episode 2 naman na Taktak at idinirehe ni Marlon Rivera, pagbibidahan naman ito nina Marian Rivera at Jose Manalo.
Sa laki at gagaling ng mga artistang ito, ano pa ang aasahan natin? Siyempre pa, riot na katatawanan. Ito rin ang sinasabing pinakamalaking pelikulang ginawa ni Vic kung scope ang pag-uusapan dahil tatlong iba’t ibang istorya ang tampok sa isang pelikula. Bawat istorya ay may kanya-kanya pang director. O ‘di ba bongga talaga?! Hindi rin tinipid ang mga kailangan sa produksiyon tulad ng costume, design, special effects, lalo na sa fantastical final episode. Nais kasi ng My Big Bossing movie na ma-satisfy ang sinumang manonood sa kanila.
Kaya huwag na hindi ninyo panonoorin ang My Big Bossing sa December 25!
ni Maricris Valdez Nicasio