Patay ang isang pulis makaraan masagasaan at makaladkad ng 10-wheeler truck sa Congressional Avenue, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si PO3 Juanito Luardo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng QC Traffic Sector 6, pinapara ng naka-motorsiklong pulis ang trak dahil sa traffic violation ngunit hindi ito huminto.
Lumapit si Luardo sa harapang bahagi ng trak ngunit sumabit ang manibela ng kanyang motorsiklo sa gulong ng trak. Nahulog ang pulis, nasagasaan at nakaladkad ng ilang metro. Napuruhan ang kaliwang bahagi ng katawan ni Luardo.
Tumakas ang driver at pahinante ng trak makaraan ang insidente.