PATAY noon din ang isang lalaki makaraan pagsasaksakin ng kanyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay sa lungsod Quezon kamakalawa
Sa ulat kay Sr. Supt. Joel D. Pagdilao, Quezon City Police District Director, kinilala ang biktimang si Berto Itum, residente ng Block 216, Lot 36, Phase 8, Brgy. North Fairview sa lungsod.
Ang biktima ay napatay sa saksak ng kinakasama niyang si Maria Lavenia Torres, 32, residente rin sa nasabing lugar, dakong 8 p.m.
Ayon sa saksing kapitbahay na si Arthur Soriano, habang nag- iinoman sila ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay, narinig niyang sumigaw ang biktima ng katagang “Subukan mo!”
Pagkaraan ay nakita niyang lumabas ang biktima na umaagos ang dugo sa dibdib saka bumulagta.
Kasunod na lumabas ang suspek hawak ang patalim at akmang muling sasaksakin ang biktima ngunit inawat ni Soriano.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Camp Karingan habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.
Almar Danguilan