PATAY ang dalawang notoryus na holdaper makaraan pagbabarilin sa loob ng kanilang hideout bunsod ng gulangan sa partehan kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Agad binawian ng buhay ang mga holdaper na sina Eric Bautista, 34, at Victor Magat, 42, kapwa residente ng Phase 1, Package 3, Block 63, Lot 5, Brgy. 176, Bagong Silang sa nabanggit na lungsod.
Habang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pa nilang kasama na si alyas Banong, itinuturing na suspek sa insidente.
Batay sa ulat ni PO3 Gomer Mappala, naganap ang insidente dakong 10:30 p.m. sa hideout ng mga suspek.
Bago ang insidente, hinoldap ng tatlong suspek si Janice Santos, 25, saleslady. Agad nagreklamo sa himpilan ng pulisya si Santos kaugnay sa insidente.
Makaraan ang kalahating oras, nakarinig nang magkakasunod na putok ng baril sa hideout ng mga suspek at pagkaraan ay natagpuang bangkay na sina Bautista at Magat.
Hinala ng pulisya, nagkagulangan sa partehan ang mga suspek kaya naganap ang insidente.
Kinokontak ng mga awtoridad ang nabiktimang salesladay upang matukoy kung ang mga suspek ang homoldap sa kanya.
Rommel Sales