PINAGTIBAY ng Supreme Court (SC) ang kanilang unang desisyon na nagbabasura sa aggregated airtime limit ng Commission on Elections (Comelec) para sa mga politiko.
Ayon sa kataas-taasang hukuman, nabigo ang poll body sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), na makapaglahad ng bagong argumento sa kanilang motion for reconsideration para baliktarin ang resolusyon noong Setyembre.
Kung natuloy ang patakaran ng komisyon, bibigyan lamang nang limitadong oras ang isang politiko para makapangampanya gamit ang radyo at telebisyon, bagay na sinalungat ng maraming kandidato dahil mapipilitan anila silang maglibot sa bawat pulo ng ating bansa para lamang marinig ng taong bayan.
Sa national candidates, 120 minuto na lang ang magiging airtime limit habang 180 minuto sa radio stations.
Habang sa local candidates, 60 minuto ang maaaring magamit sa TV networks at 90 minuto sa radio stations.
Inirerespeto umano ng Comelec ang SC ruling sa naturang isyu.
Para sa panig ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP) at ibang petitioner, natutuwa sila sa SC ruling dahil nakita ng mga mahistrado ang kahalagahan ng pagsasahimpapawid ng political ads na paraan upang makilala ng publiko ang mga kandidatong maaaring iboto.