DAGUPAN CITY – Wala nang buhay nang matagpuan ng kanyang pamilya ang negosyanteng Instik mula sa lungsod ng Maynila, sa kanilang inuupahang farm sa bayan ng Mangatarem sa lalawigan ng Pangasinan.
Halos hindi na makilala ang biktimang si Luciano Kho, 78, pansamantalang naninirahan sa Brgy. Macarang sa nasabing bayan nang makita ng kanyang mga kaanak sa loob ng babuyan dahil sa matinding sugat sa kanyang ulo.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, kinompronta ng biktima ang suspek na si Jonie Abucol, tubong Bicol, dahil sa nawawalang feeds na pagkain ng mga alaga niyang baboy bagay na ikinagalit ng katiwala.
Bunsod nito, binugbog ng suspek ang negosyante bago pinalo ng tubo sa ulo na tuluyan niyang ikinamatay.
Sa ngayon, tinutugis ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.