HINOLDAP ang isang babee ng lalaking nagmamaneho ng Toyota Innova sa kanto ng Samar at Mother Ignacia Avenue sa Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Cindy Mangaya, 25, papasok na siya sa trabaho dakong 6:15 a.m. nang mangyari ang insidente.
Habang naglalakad, napansin niya ang isang nakaparadang gray Toyota Innova na nakabukas ang bintana.
Ilang saglit lang makaraan malagpasan ng biktima ang SUV, naramdaman niyang may humablot sa kanyang gamit.
Pagtingin niya, nakita niya ang lalaking bumaba mula sa driver’s seat ng Innova na inaagaw na ang kanyang gamit habang tinututukan siya ng baril.
Tinangka ng biktima na manlaban ngunit nang lalong ilapit sa kanya ang baril ay bumitaw na siya.
Kabilang sa natangay sa kanya ang P2,000 cash, dalawang cellphone at ATM card.
Ayon sa biktima, hindi siya nasaktan ngunit na-trauma siya sa pagtutok sa kanya ng baril.
Tumakas ang suspek sakay ng Toyota Innova patungo sa direksyon ng EDSA.
Nahagip ng CCTV ng Brgy. South Triangle ang insidente at nakitang may plakang 8 sa harapan ang Innova habang PLO-129 ang sa likuran.