RIZAL – Patay ang mag-asawa habang malubhang nasugatan ang dalawa nilang anak makaraan pagbabarilin ng apat lalaking lulan ng dalawang motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ni Rizal PNP director, Sr. Supt. Bernabe Balba ang mga namatay na sina Nelson Go, 56, at Ruby, 52, residente ng Blk. 7, Lot 10, Phase 2C2, Metro Manila Hills Subdivision, Brgy. San Jose ng nasabing bayan.
Habang nilalapatan ng lunas sa Marikina Valley Hospital ang kanilang dalawang anak na sina Stephen Go, 13, at Nelson Robin Go, 21-anyos.
Sa ulat ng mga awtoridad, dakong 12:30 a.m. nang maganap ang insidente sa Mariano Extn., Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Sakay ng pulang Toyota Tamaraw FX (NFN-248) ang mga biktima nang harangin ng dalawang motorsiklo at sila pinagbabaril.
Nagsasagawa nang masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang motibo at kung sino ang mga suspek sa krimen.
Mikko Baylon/Ed Moreno