PATAY ang magkapatid na babae makaraan pagsasaksakin ng live-in partner ng isa sa kanila dahil sa selos kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kapwa hindi na umabot nang buhay sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktimang sina Sheryl Alcovendas, 32, at Sharon, 30, residente ng Sto. Niño St., Administration Site, Brgy. 186, Tala ng nasabing lungsod.
Agad naglunsad ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na si Jose Cambusa, Jr., 41, naninirahan din sa naturang lugar, mabilis na tumakas.
Batay sa ulat ni PO3 Gomer Mappala, naganap ang insidente dakong 10 p.m. sa bahay ng pamilya.
Kadarating lamang ng biktimang si Sheryl sa kanilang bahay nang bigla siyang komprontahin ng suspek dahil sa hinalang may kinatatagpo siyang ibang lalaki.
Bunsod nito, mainitan silang nagtalo hanggang dumampot ng kutsilyo ang suspek at inundayan ng saksak si She-ryl.
Bagama’t sugatan ay nakahingi ng tulong si Sheryl sa kanyang kapatid na si Sharon.
Inawat ni Sharon ang suspek ngunit maging siya ay inundayan din ng saksak ng suspek.
Rommel Sales