SA mga kamay ng bagong head coach na si Leo Austria naman ngayon nakasalalay ang kapalaran ng San Miguel Beer na makapamayagpag sa PBA Philippine Cup.
Magpupugay si Austria bilang head coach ng Beermen sa salpukan nila ng Rain or Shine sa ganap na 7 pm sa Smart Araneta coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na 4:15 pm ay magkikita naman ang Globalport at NLEX na nakabili sa prangkisa ng Air 21.
Si Austria, na humalili kay Melchor Ravanes bilang coach ng Beermen, ay hahawak ng kanyang ikatlong koponan sa PBA matapos ang Shell at Welcoat (ngayon ay Rain Or Shine).
Ang Beermen ay pamumunuan ng mga Most Valuable Player awardees na sina June mar Fajardo at Arwind Santos na tutulungan nina Sol Mercado, Ross, Chris Lutz at Marcio Lassiter.
Kapwa tig-isang rookie ang kinuha ng San Miguel at Rain or Shine. Pinapirma ng Beermen si Ronald Pascual samantalang lumagda sa Elasto Painters si Jericho Cruz.
Si Rain or Shine coach Yeng Guao ay sasandig sa mga national players na sina Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga at Paul Lee na pumirma ng bagong three-year contract.
Ang NLEX Road Warrors ay pamumunuan ng team captain na Paul Asi Taulava, na sa kabila ng pagiging pinakamatandang manlalaro sa liga ay nagawang maging miyembrong Mythical Five noong nakaraang season.
Makakatuwang niya sina Mark Cardona, Enrico Villanueva, Jonas Villanueva, Harold Arboleda, Aldrech Ramos at Nino Canaleta.
Si assistant coach Adonis Tierra muna ang hahawak sa NLEX habang hinihintay si Teodorico Fernandez III na tapusin ang kanyang commitment sa San Beda Red Lions sa NCAA.
Ipakikita naman ni Stanley Pringle kung bakit siya ang naging Top Pick sa nakaraang 2014 Rookie Draft.
Kasama ni Pringle sa Globalport sina Alex Cabagnot, Yancy de Ocampo, Mark Isip, Terrence Romeo at Nonoy Baclao. Ang Batang Pier ay hawak ni coach Pido Jarencio.
Sabrina Pascua