HINDI natin maliwanagan ang tunay na papel ni Caloocan City Rep. Egay Erice sa Liberal Party.
Siya ba ay tagapagtanggol ng buong partidong Liberal o nina Sec. Mar Roxas o ni PNoy lamang?
Malinaw kasi sa kanyang mga ikinikilos nitong mga huling araw na hindi party stand ang kanyang mga itinutulak dahil lagi siyang sinasalungat ng matataas na opisyal ng bansa na miyembro rin ng LP katulad ni Speaker Sonny Belmonte.
Katulad na lamang nitong huli niyang pagngakngak tungkol sa term extension ng pangulo at Mar-PNoy tandem sa 2016 dahil halatang walang alam dito ang iba nilang kapartidong masasabi rin naman nating haligi ng LP.
Kitang-kita sa reaction ni Belmonte na hindi niya alam ang Mar-PNoy tandem dahil bukod sa hindi siya sa tambalang ito ay naniniwala rin siyang mamahinga na ang anak ni Tita Cory pagkatapos ng termino nito.
Maging ang naunang pinalutang ni Erice na term extension ni PNoy ay hindi kinagat ni Belmonte at sa halip tahasan niya itong pinatay sa pagsasabing imposible na ang term extension ng pangulo dahil gahol na para sa charter change.
Sa madaling salita, iniuutos lamang ba ito ni Roxas na kilalang malapit na kaibigan ni Erice o talagang bahagi lamang ito ng kanyang pagpapapogi kay PNoy?
Dapat maresolba ito ng LP dahil lumalabas ngayon sa taumbayan na sila ay watak-watak dahil iba-iba ang ikinikilos ng kanilang mga kaalyado.
***
Hanggang ngayon ay tahimik pa rin ang Nacionalista Party ni Manny Villar .
Guessing game tuloy ang tao kung sino ba talaga ang kanilang magiging pambato sa 2016 presidential election.
Malinaw namang magpapatakbo ang NP sa 2016 pero marami ang nagtatanong sa ngayon kung sino kina Alan Cayetano at Bongbong Marcos ang bibigyan ng blessing ni Villar?
Sir Ace Barbers, pakisagot nga po ang tanong ng taong bayan?
Alvin Feliciano