MAKUPAD ang implementasyon ng Republic Act 10575 o Bureau of Corrections (BuCor) Modernization Act kahit aprubado na ito sa dalawang Kapulungan ng Kongreso noong Mayo 24, 2013.
Ang isa sa mga itinuturong dahilan ng maganit na pagpapatupad ay kawalan ng pondo o hindi pag-aapruba sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas.
Sa pagpapatupad ng batas ‘yang paggawa ng IRR ang pinakamahirap sa lahat.
Ang sabi sa batas ay tapusin ang pormulasyon ng IRR sa loob ng 90 araw.
Malinaw na isinasaad ito sa Sec. 23 ng RA 10575: “Implementing Rules and Regulations. The DOJ, in coordination with the BuCor, the CSC, the DBM and the Department of Finance (DoF), shall, within ninety (90) days from the effectivity of this Act, promulgate the rules and regulations necessary to implement the provisions of this Act.”
Noong Mayo 24, 2013 pa naaprubahan ‘yan, e anong petsa na?!
Ilang buwan na lang at matatapos na ang taon 2014 pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naipatutupad ang batas para sa modernization ng BuCor.
Malaki ang pangangailangan na maipatupad ang modernization act dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng BuCor. Gaya halimbawa sa sweldo ng mga empleyado rito.
Ang lowest-ranking employee— clerk— ay tumatanggap ng P3,000 monthly salary, habang lowest-ranking— guard— ay P7,000 kada buwan.
Ang budget ng BuCor bawat taon ay P1.4 bilyon kompara sa P4-bilyon budget ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Isang siglo (100) at walong taon na ang BuCor habang ang BJMP ay halos 18 taon lamang .
Ang P1.4 bilyon ay hindi umano sapat sa sweldo ng 2,362 empleyado at disenteng rasyon na pagkain para sa 35,400 inmates, sa pitong penal farms at colonies sa buong bansa.
Malala din ang congestion sa iba’t ibang piitan. Ayon kay Abunales kabilang sa modernization law ang pagtatayo ng tatlo pang pasilidad, isa sa Nueva Ecija, isa sa Lucena City (Quezon) at isa sa Mindanao.
Grabe din ang kakulangan sa equipment gaya ng modern security equipment (surveillance cameras, hand-held radios, firearms at X-ray scanners).
Sa modernization law, ang manpower ay madaragdagan hanggang 6,000 sa loob ng limang taon.
Ang ranggo ng mga custodial guards ay ipapadron sa BJMP with corresponding salary grades.
Ilalaan umano ang P2 bilyon sa loob ng limang taon para i-improve ang equipment and facilities, kabilang ang CCTV at X-ray scanners.
Marami ang matutuwa kung lubusang maipatutupad ang modernization plan na ito kaysa RAT PLAN.
Ano ang RAT PLAN?
Bukas po natin tatalakayin ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com