INIUTOS ng Korte Suprema sa Office of the Solicitor General (OSG) na maghain ng komento kaugnay ng petisyon ng dalawang anak ni Janet Napoles sa kasong graft sa multi-bilyong pork barrel scam.
Partikular na inihirit ng magkapatid na Jo Christine at James Christopher Napoles sa Supreme Court (SC) na ipawalang-bisa ang findings ng Ombudsman at ipahinto ang pagdinig ng Sandiganbayan sa kanilang graft cases.
Nais din nilang ipabawi sa SC ang warrant of arrest laban sa kanila.
Sa dalawang-pahinang resolusyon, binigyan ng 10 araw ng SC en banc ang OSG para magkomento.
Kasama sina Jo Christine at James Christopher Napoles sa mga babasahan ng sakdal sa Sandiganbayan Third Division sa Oktubre 13.