UMUWI SI KURIKIT SA PAMILYANG KUMUPKOP SA KANYA PERO MALUNGKOT ANG SITWASYON
Dinatnan niyang tamilmil na kumakain ng pananghalian ang magkakapatid na Maurice, Abet at Bitoy.
“Kain na, Kuya Kit,” alok ng dalagita sa binatang duwende.
“Saluhan mo kami, Kuya…” anyaya naman ng binatilyo.
Naupo si Kurikit sa silyang malapit sa kinauupuan ng batang si Bitoy. Umi-nom lang siya ng isang basong tubig.
“Bakit malungkot yata si Bunso,” pansin niya nang bahagya niyang kurutin ang pisngi ni Bitoy.
“Kasi, kagabi pa hindi umuuwi sina nanay at tatay, Kuya Kit,”
“’Asan sina Nanay Rosing at Tatay Nato?” naitanong niya.
“W-wala kaming alam, e…” ang sa-got ni Maurice.
“Si Tatay, kundi ‘yun nakikipag-inuman sa kanyang mga kabarkada, e malamang nag-goodtime sa labas,” dugtong agad ni Abet.
“At si Nanay, kundi nagto-tong-its ay tiyak na nasa madyungan,” dagdag ni Maurice.
“M-marunong nang magsugal si Nanay Rosing?” ani Kurikit na halos ‘di makapaniwala.
“Hindi lang si Nanay Rosing ang nagsusugal… Pati si Tatay Nato ay gumon na rin sa pagka-casino,” si Abet, nakalatay sa mukha ang pamamanglaw.
“E, teka… Sino ngayon ang tumatao sa tindahan?” naitanong ng binatang duwende sa magkapatid na Maurice at Abet.
“Wala nang kalaman-laman ang tindahan natin… Bangkarote na kaya sarado na nu’n pang isang linggo,” ang pagbabalita ni Maurice sa binatang duwende.
Napapalatak si Kurikit sa pangangamot ng batok.
“Ang masaklap pa, Kuya Kit, pag-uwi nina nanay at tatay na talunan sa sugal ay parehong mainit ang kanilang ulo. Maya’t maya tuloy ay nag-aaway silang dalawa,” pagkakagat-labi ng dalagita.
Noong bagong salta ang binatang duwende sa ibabaw ng lupa ay nasaksihan niya ang magandang samahan ng buong mag-anak ng mag-asawang Aling Rosing at Mang Nato. Ang bawa’t isa ay masikap sa paghahanapbuhay. Naglalako ng balut sa gabi ang ama ng pamilya. Tumatanggap ng labada ang ina. Ang dalagita at binatilyong anak ay lubugan-sikatan ng araw sa panga-ngalakal.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia