PERSONAL na ipinahatid pa ng isang Government Service and Insurance System (GSIS) official (vice president) — ang paghingi ng “SORRY” sa isang Airport police na ilang beses nagpabalik-balik sa kanilang tanggapan para kunin ang kanyang e-CARD.
Isang taon niyang hindi nakuha ang kanyang e-Card pero nang kanyang personal na puntahan ay ilang beses siyang pinabalik-balik hanggang sa bandang huli ay sabihin sa kanya na nasa Dipolog ang e-Card niya.
‘E talaga naman!
Doon na nag-alboroto ‘yung Airport police dahil malinaw nga naman na parang ‘lokohan’ na ‘yan.
Ayon kina Madam Dulce M. Jinahon, Division Chief NCR 2 3rd level Pasay at Mr. Dominador Z. Sanidad inutusan umano sila ni Senior Vice President para personal na ihatid ‘yung e-Card at humingi ng paumanhin sa nangyari sa kanya.
O sige, magpapasalamat po tayo kay Madam Jinahon at Mr. Sanidad ganoon din sa Senior Vice President na nag-utos sa kanila.
Salamat po. Pasensiya na rin kayo at naabala pa kayo sa personal na paghahatid ng nasabing e-Card.
Pwede naman pong puntahan nang personal ‘yan no’ng Airport police.
GSIS President and General manager Robert Vergara, salamat din sa effort na maipahatid sa Airport police ang kanyang e-Card.
Pero mayroon din po tayong gustong imungkahi sa inyo. Sana lang ay huwag kayong mahirati sa “carrot & stick” na estilo ng serbisyo.
Gagawa ng palpak na trabaho. Kapag nabanatan sa media, aayusin tapos palpak na naman.
Sana lang, kung aayusin, ayusin na ninyo nang tama at ituloy-tuloy na ninyo para sa lahat ng miyembro.
‘Yun lang po at maraming salamat.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com