ISANG airport police officer (APO) ang lumapit sa inyong lingkod at nakikiusap na maiparating natin kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager, Jose Angel “Bodet” Honrado ang kalagayan niya ngayon.
Kasalukuyan siyang nakaratay sa Makati Medical Center matapos matapilok at maoperahan sa paa.
Nang araw na maaksidente ang kanyang kapatid na si APO Nilda Collantes ay naka-duty sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.
Mayroon siyang dadalhin (for inquest) na kaso sa Pasay City pero pagdating sa Departure ng Terminal 3, siya ay nadulas at masama ang pagkakatapilok.
Dahil sa dami ng procedure na ginawa, kinapos ang MIAA Health Card ng pasyente na mayroon lamang P50,000 coverage (Value Care Card).
Medyo nagulat nga ‘yung APO dahil sa dati nilang health card na Medicard, ang kanilang coverage ay umaabot hanggang P120,000.
Dahil nga po sa maliit na medical coverage, humihingi ng tulong ang kapatid ni Ms. Collantes sa MIAA management lalo na kay GM Honrado na matulungan siya sa kanyang babayaran sa ospital na umabot na sa P200,000.
Si Ms. Collantes po ay nakatakdang tumanggap ng Special Award bunga ng kanyang 30-taon serbisyo sa MIAA bilang isang Airport police.
Kaya malaking kasiyahan na po sa kanya kung matutulungan ng MIAA lalo na ng tanggapan ni GM Honrado para naman makadalo siya sa kanilang Awarding sa September 26.
Alam nating naoperahan kamakailan sa puso si GM Honrado, pero naniniwala tayo na naroroon pa rin ang kanyang soft spot para sa mga empleyado at Airport police sa ilalim ng MIAA lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Ngayon pa lang daw po, GM Bodet Honrado ay nagpapasalamat na ang pamilya ni Ms. Collantes …
Mabuhay ka GM Bodet!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com