TINATALAKAY ngayon sa Kamara de Representantes ang dalawang panukalang batas kaugnay ng Anti-Money Laundering Act.
Isa rito ang House Bill 3334 ni Rep. Terry Ridon ng Kabataan Party-list na naglalayong amyendahan ang Republic Act 9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001).
Ang isa sa mga mungkahi ni Rep. Ridon ay ilabas ng mga Casino ang listahan ng kanilang mga high roller o VIP players.
Ito umano ay para maiwasan na magamit ang mga Casino sa bansa sa money-laundering ng ilang notorious personalities.
Matagal na rin nating pinupuna at pinangangambahan ang bagay na ito dahil nga sa nakikita nating tila napakabilis ‘maglaba’ ng kwarta ng ilang notorious foreign personalities sa mga Casino (Resorts World at Solaire) sa bansa.
Pero mas makabubuti siguro Hon. Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon kung ang ipakukuha ninyong listahan ay ‘yung mga casino financier gaya ng mga Korean at Chinese nationals gayon din ang ilang Pinoy na naka-enrol sa kanilang rolling-rebate scheme.
Iyang mga casino financiers na ‘yan ang kumikita ng daan-daan milyong piso pero hindi nagbabayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenues (BIR).
Sila ang mga tunay na pinagdadaluyan ng money laundering.
‘Yung mga player, kahit na high roller pa ‘yan, manalo, matalo lang sila. Mas madalas nga talo pa. Pero ‘yung mga casino financier, mas malaki ang mga pera nilang umiikot sa Casino at sila mismo ang nagpapaikot ng puhunan na hindi natin alam kung saan galing.
Maraming intelligence report, na ‘yang mga money launderer cum casino financier ay sangkot din sa iba’t ibang uri ng illegal na sindikato.
Kung ‘yang mga tunay na money launderer ang tatamaan ng panukalang batas ni Rep. Ridon para amyendahan ang Anti-Money Laundering Act, aba malaking tulong ‘yan sa ating ekonomiya dahil lalakas ang ‘purchasing power’ ng ating piso.
Bumabagsak ang halaga ng piso natin, dahil nailalabas sa bansa sa pamamagitan ng mga notorious activities ang ating dollar reserve.
Kung kaya pang maihabol sa iyong panukalang batas ‘e ‘yan ang idagdag ninyo, Rep. Ridon.
Naniniwala ako na kahit paano ay makatutulong ‘yan para pangalagaan ang ating ekonomiya.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com