NATUWA naman tayo sa pronouncement ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na ipala-lifestyle check niya lahat ng HENERAL, junior officers ng Philippine National Police (PNP) at maging si Director General Alan Purisima.
Kabilang umano ‘yung mga pulis na iniuulat na sangkot sa iba’t ibang uri ng ilegal na gawain.
Open secret naman kasi sa hanay ng mga pulis ‘yung mga ‘juicy posts’ gaya sa jueteng region na tinatarget ng ilan o marami sa kanila lalo na ‘yung mga naitataas ng ranggo.
Hindi natin gustong mawalan ng respeto ang mga police officer sa kanilang superior, pero kung kinakailangan imbestigahan, bakit hindi?!
Lalo na ‘yung mga regional at provincial directors, district directors, station commanders, chief of police, PCP commanders.
Kahit nga mga police officers lang at mga senior police officers ay kinakikitaan na lampas sa kanilang kinikita ang antas ng pamumuhay.
Naiintindihan natin na mayroong mga pulis na katulong ang kanilang mga misis sa paghahanapbuhay kaya umaangat ang buhay nila. Pero hindi lahat ng kaso ay ganyan.
Sana lang, ang tutukan agad ni SILG Mar ay ‘yung talagang nakapagtataka ang biglang pagyaman. Makikita sila sa mga sabungan at casino matapos silang magretiro.
Malulungkot kasi tayo lalo na ang mga pulis kung ang isasampol ng LIFESTYLE CHECK ni Secretary Mar ay ‘yung mga ‘dilis’ na pulis.
Sana unahin ‘yung mga malapit nang magretirong opisyal ng PNP. At isunod ‘yung mga nakatira sa malalaking mansion sa loob ng mga executive village, sandamakmak ang sports utility vehicle (SUVs), laging naka-LACOSTE mula ulo hanggang paa, sandamakmak ang alahas sa katawan at palipat-lipat ang cash sa kung ilang banko at may mga alaga pang chikababes.
Lalo na ‘yung mga iniuulat na mga pulis na involve sa kotong at hulidap, illegal gambling, proliferation ng droga, carnapping, escort services at iba pa.
Kapag nagawa ni SILG Mar ‘yan, t’yak hindi na niya poproblemahin ang kanyang pagtakbo sa 2016.
‘Wag lang sana nilang gamiting estratehiya para sa kanyang kandidatura ang ‘LIFESTYLE CHECK’ na ‘yan. Kasi baka tuluyan na siyang mag-goodbye sa politika kung umi-STYLE lang siya.
Anyway, suportado po natin ang hakbangin na ‘yan kung seseryosohin ng DILG.
Paki-PUSH mo na ‘yan, Secretary Mar Roxas!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com