PINAGTIBAY ng Court of Appeals (CA) Ninth Division ang unang desisyon ng Manila RTC noong 2012 na nagpawalang-sala kay Michael Ray Aquino sa Dacer-Corbito double murder case.
Nabigo raw kasi ang prosekusyon na baliktarin ang “presumption of innocence” ng akusado.
Naisip ko tuloy, iba pala ang batas sa ‘Merika kaysa Pinas.
Si Aquino ay inutusan ng District Court ng Northern District of California na magbayad ng US$4.2 million sa mga anak ni Bubby Dacer sa ilalim ng Torture Victim Protection Act (TVPA).
Nahatulan si Aquino dahil hindi siya dumalo sa walong (8) beses na itinakdang pagdinig kabilang na ang pre-trial conference.
Bukod sa nasabing kaso si Aquino ay sentensiyado rin sa Amerika dahil sa kasong ‘paniniktik’ na kanyang nagawa matapos siyang humingi ng tulong sa kanyang kaibigang si Leonardo Aragoncillo, isang Philippine-born security specialist sa White House, nang ma-overstay siya sa New York noong Marso 2005.
Ibig sabihin, ang kanyang paglapit kay Aragoncillo ay nangyari dahil ayaw niyang maipa-deport sa bansa dahil sa kasong kinakaharap.
Nakipagsabwatan siya kay Aragoncillo para maglabas ng mga classified information pabor sa mga Estrada para makapaglunsad ng kudeta laban kay GMA.
Sa Amerika nakamtan ng mga anak ni Dacer ang inaasam nilang katarungan.
Pero dahil sa pagbasura ng CA sa kaso laban kay Michael Ray, ang tanong: sino ngayon ang pumatay kay Bubby Dacer?!
Ano sa palagay ninyo mga suki?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com