HAWAK pa rin ng Letran ang top spot matapos hatawin ang Perpetual Help, 3-0 sa 90th NCAA men’s badminton competition na nilalaro sa Power Play Badminton Center sa Quezon City.
Pinitik ni Nephtali Pineda si Jonathan Alzate, 21-7, 21-16, at pagkatapos ay kumampi ito kay Julius Quindoza sa doubles para kaldagin ang pares nina Zedrie Cayanan at Lorde Jeremiah Lim, 21-16, 21-17.
Pinagpag naman ni Mark Joseph Sabarre si Lemuel Kenneth de Barbo para kumpletuhin ang sweep at mapalakas ang tsansa ng Letran na masungkit ang kauna-unahang kampeonato.
Nakamasid sa Knights sa unahan ang defending champion St. Benilde, Arellano at Lyceum.
Sa women’s division pinayuko ng Lady Blazers ang Mapua 3-0.
Nanaig sina Nikki Therese Servando at Allizandra Candelaria sa dalawang singles bago ang panalo nina Angel Grace Oclinaria at Danyl Pauline Escobar sa doubles.
Sinikwat ni Servando si Sunnycille Baylon, 21-5, 21-3, habang binalandra ni Candelaria si Faye Manalansan, 22-20, 21-17, at pagkatapos ay ang tandem nina Oclinaria at Escobar ang nagpaluhod sa magkakamping sina Germaine Mangaliman at Anna Nicole Salas, 21-19, 21-8. (ARABELA PRINCESS DAWA)