SAAN kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang isang miyembro ng Airport Police Department (APD) na naka-assign sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 dahil sa pangbabarako sa isang bagitong porter ng D’Prada Porterage.
Ang sumbong ay personal na ipinarating ng ama ng pobreng porter sa tanggapan ng inyong lingkod na naging biktima ng malatubang APD personnel.
Sa salaysay ng pobreng porter, isang pasaherong galante ang kanyang natsambahan na nag-request ng assistance.
Matapos makapagbayad sa porterage counter ng kanyang mga bagahe ay tumuloy nang pumasok ang pasahero habang inaasistihan ng bagitong porter hanggang makarating sa check-in counter ng Cebu Pacific.
Siyempre bago maghiwalay at matapos ang serbisyong ipinagkaloob, natuwa at inabutan ng pasahero ang porter. Nang sipatin ng huli ang iniabot na pera ay saka niya nalaman na P500 pala ‘to.
Pero ang hindi niya alam ay nasilip ni kapalmuks APD ang tip na tinanggap. Sabay lapit sa kanya at sinabihan na: “Bata, bawal ‘yan. Kabago-bago mo e tumatanggap ka na. Alam mo bang may ipinatutupad na no tipping policy sa airport?” kasabay nito ang pagkompiska sa pera na ibinigay ng pasahero sa porter.
Natulala na lang ang pobreng porter sa APD cop. Kumbaga ay na-culture shock ang bagitong porter.
Akala ng pobreng porter ay wala na ang perang tip na kanyang natanggap…pero biglang bumalik ang APD cop at sinabing: “O, heto hinati ko. Tig-P250 tayo.”
Sonabagan!!!
Hanep naman talaga! Ibang klase rin naman ang APD cop na ‘to?! May puso rin pala… parang player ng Gilas Pilipinas?!
Anyway, sana’y mabasa ni NAIA T-3 terminal head Engr. Bing Lina at ni APD NAIA T-3 OIC Capt. Wong ang masaklap na karanasan ng pobreng porter!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com