IGINIIT ng isang grupo ng mga Muslim sa kanilang kilos-protesta sa Mendiola Bridge ang agarang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law (BBL). (BONG SON)
PANGUNGUNAHAN ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang pagbusisi sa isinumite ng pamahalaang Aquino na borador ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso kung hindi ito lalabag sa kasagraduhan ng Konstitusyon at sa umiiral na mga demokratikong proseso sa bansa.
Ikinalugod ni Pimentel ang hakbang bilang pagsulong ng pananalig lalo sa bahagi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil bilang taga-Mindanao, dadaan ang BBL sa pagbusisi ng publiko tulad ng ibang batas lalo’t sangkot ang paghahati ng kapangyarihan at kayamanan ng pamahalaan at ng panukalang Bangsamoro regional government.
“Ang aksiyon lamang na magsadya sa Kongreso at kumilos para pumasa ang BBL ay isang makabuluhang hakbang para sa MILF na pinakamalaki at pinaka-organisadong sesesyonistang grupo sa Mindanao,” ani Pimentel. “Titingnan nating mabuti ang mga probisyon ng batas base sa umiiral na sa bansa tulad ng Local Government Code at lalo pa ang Konstitusyon. Dapat maging bukas ang isip ng lahat at pakinggan ang panig ng lahat ng kasangkot upang manatiling konstruktibo, mahinahon at demokratiko ang mga diskusyon kaugnay nito.”
Bilang tagapangulo ng mga komite ng repormang panghalalan at katarungan sa Senado, idiniin ni Pimen-tel na pag-uukulan niya ng pansin ang mga probisyon kaugnay sa mga estruktura, gawain at kapangyarihang pampolitika ng Bangsamoro regional government at ikokonsidera kung paano na ang panukala niyang Bigger Pie, Bigger Slice na paghahati sa mga kita ay pakikinabangan ng mga komunidad sa Bangsamoro.
Sa deliberasyon ng BBL
MISUARI IIMBITAHAN NG SENADO
AANYAYAHAN ng Senado si Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari upang ibahagi ang kanyang mga kaisipan sa gaganaping pagdinig sa panukalang Bangsamoro Basic Law.
Sa turnover ceremony sa Palasyo ng BBL draft sa Kongreso, sinabi ni Sen. Bongbong Marcos, chairman ng Senate Committee on Local Government, binabalak nilang pansamantalang ipasuspinde ang warrant of arrest laban kay Misuari upang makadalo sa deliberasyon ng Senado sa BBL.
Si Misuari ay pinaghahanap ng mga awtoridad sa kasong rebelyon bunsod ng sinasabing pagpapasimuno ng Zamboanga siege noong Setyembre 2013.
Naniniwala si Marcos na magiging ganap ang tagumpay ng kapayapaan sa Mindanao kung parehong kalahok sa proseso ang MILF at MNLF.
(ROSE NOVENARIO)