WALANG humpay ang nagaganap na krimen ngayon sa Ermita at Intramuros, Maynila na sakop ng Manila Police District (MPD) Station-5.
Kaliwa’t kanan ang nagaganap na holdapan sa mismong paligid (in broad daylight pa!) ng Manila city hall at ilang reklamo na rin ang natatanggap ng MPD-General Asignment Investigation Section (GAIS) laban sa roberry extortion activities ng ilang tiwaling tauhan ng MPD PS-5.
Base sa record ng MPD-GAIS ni Col. AJ RIPARIP, talamak ang holdapan at robbery extortion laban sa foreigners sa Ermita.
‘E hindi ba sakop ng Ermita Police Station-5 nagaganap ang mga krimen na ito!?
Hindi ‘ata nabibigyan ng pansin ang Tourist Site ng mga bakasyonista at turista na binibiktima ng mga tirador at tulisan sa Ermita.
Hindi lang robbery district kundi more VICES pa ngayon ang AOR ng Presinto Singko?!
Sonabagan!!!
Namumutiktik kasi ang lahat ng klaseng ilegal na sugal sa nasasakupan ni MPD PS-5 Commander P/Supt. ROMEO ‘POPEYE’ MACAPAZ.
Kadikit ng mga 1602 ang talamak na Droga/Shabu galing sa WAR ZONE site na BASECO compound na lantarang ibenebenta sa area ng Intramuros malapit sa mga naglalakihang Unibersidad.
Ganyan ba kagaling ang enkargado mo Kernel ‘Popeye’ Macapaz, na magaling lang sa ‘timbrehan’ ng 1602 pero inutil at zero sa kampanya kontra kriminalidad!?
ANYARE SA PNP-QCPD?
PAGKATAPOS ng sunod-sunod na magagandang accomplishments laban sa ilegal na droga at pagkakaresolba sa kaso ng pamamaslang kay International race car driver Enzo Pastor ng Quezon City Police District heto naman ang nakapakalaking eskandalo na kinasasangkutan ng siyam (9) pulis nila na nakatalaga sa La Loma Police Station (PS1).
Ito ay kaugnay ng insidente sa EDSA na mga kalalakihang nanutok ng baril na nakunan ng retrato at kumalat sa social media.
Inamin mismo ng Philippine National Police (PNP) na mga miyembro nila ang sangkot sa krimen, walo sa kanila ay aktibong mga lespu sa La Loma Police Station (PS1).
‘Yung isa ay matagal na umanong dismissed.
Kinilala ang mga suspek na sina PSI Marco Polo Estrera (dismissed), Chief Insp. Joseph De Vera, PSI Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Jonathan Rodriguez, PO2 Weavin Masa, PO2 Mark De Paz, PO2 Jerome Datinguinoo at PO2 Ebonn Decatoria.
Unang na-trace nina Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Abelardo Villacorta, si De Vera makaraan mabatid na pagmamayari niya ang sangkot na Toyota Hi-Ace (YF 9767).
Kasama ang dalawang biktima, pinuntahan ng mga awtoridad si De Vera sa kanyang estasyon.
Ayon sa mga biktima, dinala rin sila sa La Loma Police Station 1 makaraan dukutin sa EDSA. Pitong oras sila sa estasyon bago pinalaya.
Umamin si De Vera sa insidente at ikinanta ang mga kasamahan. Binanggit din ng mga biktima na P2 milyon ang natangay sa kanila, bukod sa P60,000 na ipina-withdraw sa kanila ngunit itinanggi ito ni De Vera sa pagsasabing P300,000 lang ang kinuha nila.
Bukod kay De Vera, naaresto rin ang isa pang suspek na si Rodriguez.
Sa pinakahuling pangyayari, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Chief Superintendent Richard Albano, sinibak na si Supt. Osmundo de Guzman, ang hepe ng La Loma Station.
At may dalawang station commander din ang sinibak dahil sa tumataas na crime rate sa AOR nila.
Tsk tsk tsk …
Noong 70s kapag nakakakita tayo ng pulis, humahanga tayo at iginagalang talaga. Pero ngayon kapag nakakita ng pulis ‘e talagang matatakot kayo.
May sangkot sa hulidap, pagbangketa, pagtanim ng droga at mangongotong pa!
Habang patuloy ang pagsisikap ni QCPD DD Gen. Richard Albano na linisin ang kanilang area of responsibility, hayan at walong scalawags pala ang sumasalikwat ng kawalanghiyaan.
Mantakin ninyong magkaroon kayo ng ganyan karaming scalawag na pulis sa isang estasyon?!
Aba ‘e mabuti pa, sibakin at linisin na ninyo kung sino pa man ang natitirang ganyan sa QCPD PS1.
Sa ating mga suki, kung may impormasyon kayo sa mga suspek, maaaring magsumbong sa awtoridad sa numerong 641-0877 o tumawag at mag-text sa 0906-545-7238.
By the way, hindi kaya mas mabuti na mag-bakasyon na rin muna si General Albano sa QCPD!?
NABISTONG RECYCLED USED OIL SA TAIWAN PINANGANGAMBAHANG NANGYAYARI RIN SA PINAS
NABISTO ng gobyerno ng Taiwan na mayroong 200 kompanya sa kanilang bansa ang gumagamit ng recycled cooking oil sa kanilang mga restaurant.
Mabilis na kumilos ang gobyerno ng Taiwan at pinaiimbestigahan nang maigi ang mga sangkot na kompanya.
Dito sa ating bansa, hindi kaya nangyayari ‘yan?!
Sa palagay natin ay malabong hindi.
Hindi nga ba’t may isang panahon na ang dahilan ng pagbabara ng mga kanal sa Metro Manila ay dahil sa maruruming sebo ng cooking oil?!
Kung iniisip ninyo na napapraning lang tayo, ‘e nagkakamali po kayo.
Mismong mga kilalang doktor sa bansa ay nagsasabi na karamihan ng mga sakit ngayon ay mula sa ating mga kinakain lalo na nga kung ang ginagamit sa pagluluto ay saturated oil sa mga fastfood chain.
Ayon sa ilang pag-aaral, ang mantika o langis na nai-produce mula sa heat (init) ay hindi magandang gamitin sa pagkain.
Kaya nga mahigpit na ipinapayo ng mga nutritionist na gumamit ng extra virgin oil o ‘yung mga langis na nai-produce a pamamagitan ng “cold-pressed.”
Ibig sabihin ‘yung pinipiga lang. Sa pamamagitan ng nasabing proseso nanatili at hindi nagbabago ang kalidad ng langis hanggang gamitin ito sa pagluluto.
Kaya ibig sabihin, kung recycled cooking oil ang ginagamit ng mga restaurant, aba ‘e huwag na tayong magtaka kung bakit hindi maayos ang kalusugan ng mga nabibiktima ng ganitong paggamit.
Ang tanong: anong ahensiya ng pamahalaan natin dito sa Philippines my Philippines ang magkakaroon ng inisyatiba para simulan ang pag-iinspeksiyon sa mga restaurant at food manufacturer sa bansa?!
Aba ‘e huwag na kayong magturuan. Dapat nang umpisahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) ang inisyatiba para sa maayos na kalusugan ng sambayanan.
HAPPY BIRTHDAY MR. JEROME TANG & JM DE GUZMAN
DALAWANG tao na malalapit sa puso natin ang nagdiwang ng kanilang kaarawan kahapon.
Una, si Mr. Jerome Tang, isang mahusay na negosyante na may puso para sa mga kababayan nating nangangailangan ng kanyang serbisyo at pagkalinga.
Ikalawa, ang ‘Batang Ama’ si Kapamilya star JM De Guzman.
Natutuwa tayo sa achievements ng dalawang nilalang na ‘yan dahil nakikita ko sa kanila ang pagpapahalaga sa kanilang pamilya at kapwa kahit magkaiba sila ng larangan.
Si Jerome bilang negosyanteng may puso at si JM bilang artistang may tunay na pagpapahalaga sa kanyang sining at kultura.
Kay Jerome at kay JM, isang masaya at makabuluhan kaarawan sa inyong dalawa.
Nawa’y patuloy kayong basbasan ng mabuting kapalaran ng Dakilang Manlilikha.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com