PAGKATAPOS ng sunod-sunod na magagandang accomplishments laban sa ilegal na droga at pagkakaresolba sa kaso ng pamamaslang kay International race car driver Enzo Pastor ng Quezon City Police District heto naman ang nakapakalaking eskandalo na kinasasangkutan ng siyam (9) pulis nila na nakatalaga sa La Loma Police Station (PS1).
Ito ay kaugnay ng insidente sa EDSA na mga kalalakihang nanutok ng baril na nakunan ng retrato at kumalat sa social media.
Inamin mismo ng Philippine National Police (PNP) na mga miyembro nila ang sangkot sa krimen, walo sa kanila ay aktibong mga lespu sa La Loma Police Station (PS1).
‘Yung isa ay matagal na umanong dismissed.
Kinilala ang mga suspek na sina PSI Marco Polo Estrera (dismissed), Chief Insp. Joseph De Vera, PSI Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Jonathan Rodriguez, PO2 Weavin Masa, PO2 Mark De Paz, PO2 Jerome Datinguinoo at PO2 Ebonn Decatoria.
Unang na-trace nina Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Abelardo Villacorta, si De Vera makaraan mabatid na pagmamayari niya ang sangkot na Toyota Hi-Ace (YF 9767).
Kasama ang dalawang biktima, pinuntahan ng mga awtoridad si De Vera sa kanyang estasyon.
Ayon sa mga biktima, dinala rin sila sa La Loma Police Station 1 makaraan dukutin sa EDSA. Pitong oras sila sa estasyon bago pinalaya.
Umamin si De Vera sa insidente at ikinanta ang mga kasamahan. Binanggit din ng mga biktima na P2 milyon ang natangay sa kanila, bukod sa P60,000 na ipina-withdraw sa kanila ngunit itinanggi ito ni De Vera sa pagsasabing P300,000 lang ang kinuha nila.
Bukod kay De Vera, naaresto rin ang isa pang suspek na si Rodriguez.
Sa pinakahuling pangyayari, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Chief Superintendent Richard Albano, sinibak na si Supt. Osmundo de Guzman, ang hepe ng La Loma Station.
At may dalawang station commander din ang sinibak dahil sa tumataas na crime rate sa AOR nila.
Tsk tsk tsk …
Noong 70s kapag nakakakita tayo ng pulis, humahanga tayo at iginagalang talaga. Pero ngayon kapag nakakita ng pulis ‘e talagang matatakot kayo.
May sangkot sa hulidap, pagbangketa, pagtanim ng droga at mangongotong pa!
Habang patuloy ang pagsisikap ni QCPD DD Gen. Richard Albano na linisin ang kanilang area of responsibility, hayan at walong scalawags pala ang sumasalikwat ng kawalanghiyaan.
Mantakin ninyong magkaroon kayo ng ganyan karaming scalawag na pulis sa isang estasyon?!
Aba ‘e mabuti pa, sibakin at linisin na ninyo kung sino pa man ang natitirang ganyan sa QCPD PS1.
Sa ating mga suki, kung may impormasyon kayo sa mga suspek, maaaring magsumbong sa awtoridad sa numerong 641-0877 o tumawag at mag-text sa 0906-545-7238.
By the way, hindi kaya mas mabuti na mag-bakasyon na rin muna si General Albano sa QCPD!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com