LAGUNA – Patay ang isang pangulo ng Association of Barangay Chairmen (ABC) at ang kanyang bodyguard makaraan pagbabarilin ng da-lawang hindi nakilalang lalaki habang sakay ng kanyang kotse sa tapat ng barangay hall sa Brgy. Bagong Pook, Sta. Maria, Laguna kahapon ng umaga.
Agad namatay sa pinangyarihan ng insidente ang mga biktimang kinilala ni Senior Insp. John Eric Antonio, hepe ng Sta. Maria, Laguna Police, na sina Melchor Aranas, 53, chairman ng Brgy. Bagong Pook, at Joselito Abuen, bantay-bayan at bodyguard ni Aranas.
Dakong 8:55 a.m. habang lulan ng Honda City ang mga biktima nang bigla na lamang pagbabarilin ng mga suspek na lulan ng motorsiklo at pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga salarin. (BOY PALATINO)