ANO ang bago sa ibinunyag ni Engr. Mario Hechanova, ang dating opisyal ng Makati City Hall na kumalas sa pundiya ni Vice President Jejomar Binay?!
Wala nang bago sa kanyang ‘pagharap’ sa Senado.
Ang amo niya ay si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na sinabing desmayado sa pagbasura sa kanya ng matandang Binay sa mayoralty race at ang iniupo, ang anak na si Jun-Jun.
Ibig natin sabihin, totoo man ang sinasabi ni Hechanova, pero dahil mayroon silang hindi pagkakaunawaan sa usaping politikal ng mga Binay, humihina tuloy ang basehan ng kanyang pagbubulgar sa sinasabing ‘mahusay’ na pagluluto ng mga Binay sa mga proseso ng ‘bidding’ sa lungsod.
Maging si Senadora Nancy Binay ay nabansagan pang ‘NANCY CAKE GIVER.’
(Sana matikman ko rin ang cake ni Ma’m Nancy)
Dahil siya umano ang gumagawa ng cake na ipinamimigay ng administrasyon ng tatay niya sa Senior Citizens na ipinagpapatuloy ng kanyang kapatid ngayon.
Ano ba ang bago d’yan?
‘E kumbaga, normal naman talaga sa local government units (LGUs) na kung sino ang mga CONTRACTOR na paborito at kausap nila, nagde-deliver at napagkakatiwalaan, sa kanila ini-a-award ang proyekto.
‘Ika nga, plantsado na lahat ‘yan!
Sa totoo lang, wala tayong makitang ‘weakest link’ na magpapatumba sa mga Binay sa mga pagbubunyag na ito.
Naniniwala at bilib ako sa layunin at integridad ni Senador Antonio Trillanes III na malinis ang kanyang layunin sa pag-iimbestiga sa ibinunyag na ‘tongpats’ sa Makati city hall 2 pero mukhang bitin ang ‘resource persons’ na humaharap sa kanila.
Kumbaga sa ‘baril,’ mataas ang ‘kalibre’ ng mga Binay at hindi kayang patumbahin ng mga ‘teka-teka’ lang.
Kaya kung kinikilala ng grupo ni Mercado na mahusay ‘magluto’ ang mga Binay, tiyakin nilang matataas na kalibre rin ang dapat nilang ‘bitbitin.’
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com