ANO ba talaga ang isyu sa nakabinbin na antiretroviral (ARV) para sa mga pasyanteng may HIV/AIDS?
Sinisisi ng Department of Health (DOH) ang Bureau of Customs (BoC).
Naipit daw ang ARV dahil hindi nakakuha ng clearance sa Bureau of Customs (BoC) at ung hindi ito nai-release kahapon (Setyembre 5), t’yak sa mga susunod na araw ay apektado na nang husto ang mga HIV/AIDS victims dahil wala na silang maire-replenish sa DOH.
Ang tatlong shipments na may kabuuang 8.8 tons ng pharmaceutical products para sa DOH, ay dumating nitong Agosto 2 hanggang Agosto 14 mula sa United Nations Children’s Fund office sa Denmark.
Hindi mailabas sa private warehouse sa Maynila dahil nabigo ang DOH na isumite ang mga dokumento at magbayad ng duties and taxes na nagkakahalaga ng P5 milyon, ayon kay Charo Logarta-Lagamon, hepe ng BoC public information and assistance division.
Dahil dito, naalarma na maging ang “Project Red Ribbon Care Management Foundation Inc.,” ang organisasyon ng mga HIV victims at kanilang supporters.
Sabi ni Health Secretary Enrique Onat ‘este’ Ona, “the DOH is working on the immediate release of the medicine shipment.”
Sabi ni Sec. Ona mayroon daw lalabas na initial batch ng nasabing gamot sa linggong ito, at dalawa pa sa susunod na linggo.
“Currently, enough supply is available for these patients even as DOH awaits the release of those drugs now at Bureau of Customs,” paliwanag ni Ona.
Sa kabila ng mga paliwanag na ito ni Sec. Ona, marami pa rin ang nahihiwagaan kung bakit biglang nagkaproblema sa shipment ng nasabing gamot.
Ikinatwiran pa ng DOH noong una na dahil daw sa shipment congestion sa pier. Pero sinagot sila ni Madam Charo Logarta na hindi sa pier ang shipment nila kundi sa Airport.
Sa ganang atin, dapat linawin ito ng DOH, nasaan ba talaga ang problema?!
Mukhang nasa inyo talaga ang problema!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com