Si Mercado ay dating bagman umano ni Jojo Binay, ito ang kumalat na ugong-ugong ilang taon na ang nakararaan sa siyudad ng Makati.
Nitong nakaraang linggo kumanta na ang dating Vice Mayor ng ngayon ay Vice President sa imbestigasyon ng Senado sa overpriced na City hall annex building with parking.
Sangkot umano si Ernesto Mercado sa limpak-limpak na kitaan sa nasabing Lungsod noong panahon nila ni VP Jojo Binay. Mariing sinabi ni Mercado, “Kung ako nga vice mayor lang e kumita … ang mayor pa kaya?” saksi ang buong mundo sa deklarasyong ito na ginawa ni Mercado.
Naalala ko tuloy ang kuwento ng isang mamamahayag na noong bago pa mag-Martial Law, kasa-kasama siya ni JoJo Binay sa Makati. Ayon sa kanya, halos wala ngang kitain si Jojo dahil gratis et amore ang legal services niya lalo sa kaso ng mga unyon ng manggagawa. Kinse sentimos lang ang pamasahe noon malayo man o malapit.
“Kung ano ang meron pagtiyagaan,” ‘ika ni Jojo.
Pero nang lumaon ang panahon at nag-Martial Law, isa si Jojo na volunteer lawyer para sa mga aktibista na hinuli. Paniwala nila noon, may prinsipyo at dedikasyon para sa masa.
Naku po! Eto na, nang maglingkod na ‘para sa bayan’ ‘e halos himatayin sa inis ang mga naging kasama niya sa pakikibaka.
Nagtayo ng political dynasty sa Makati. Aba’y tinalo na ang mga dating naging Mayor tulad nina Juan Patag, Conrado Estrella at Nemesio Yabut. Aba’y inangkin na rin ang pag-unlad ng Makati.
Teka nga Ka Jojo, bulinggit pa lang daw kayo noon, ay dini-develop na ng mga Ayala ang Makati. Katunayan ang Munisipyo noon ay naroon pa sa tabi ng ilog, at ang mga subdivision tulad ng Bel Air Urdaneta, Forbes Park, Palm Village, Rizal Village, Santiago at iba pa ay isinasaayos na ng mga Zobel at Ayala.
Kung hindi kay Conrado Estrella at Nemesio Yabut, hindi maisasaayos ang kabuuang plano ng Makati. And’yan na ‘yan wala ka pa! Pinataasan mo lang ang buwis. Kaya lumiligwak sa apaw ang kabang-bayan ng Makati.
Di ba’t sa Barangay Bangkal ka naninirahan noon malapit sa boundary ng Pasay? (Bahain pa ang lugar na yun!)
Ngayon ‘eto ang anak mo na may elevator pa ang bahay. Susmaryosep …
Kung sinungaling si Ernesto Mercado na dating bagman mo. E ‘di idemanda mo? Kung mali si Atty. Rene Bondal e ‘di idemanda mo rin.
Paro patunayan mo na sinungaling sila.
Aber paano mo pasusubalian ang construction firm mo? Ang shipyard at ship building mo? At ‘yung mga alingasngas ng mga developer na nagtatayo ng condominium d’yan sa Makati. Sigurado ka ba na ang ipinagpatayo ng bahay/mansion ni Junjun ay galing sa pinaghirapan at pawis niya? Magkano binili ni Junjun ang Elevator? Sino ang magbabayad ng koryente na kinokonsumo nito?
Aba’y may SALN na ba na isinumitr ang inyong buong pamilya? Dahil kung itatatwa ninyo ang mga ari-ariang wala sa pangalan ninyo aba’y pwede na kayong habulin ni BIR Comm. Kim Henares.
Marami pa akong alam Jojo, hindi lang si Ernie Mercado ang may alam. Huwag mo naman kaming gawing tanga.
– archie.almeda@yahoo.com
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com