HUMANGA tayo sa ginawang pagsakay ni Senator Grace Poe sa MRT.
Minabuti niyang sumakay sa MRT upang maranasan ang ginagawa ng mga ordinaryong commuter.
Mula sa pagpila sa North Avenue Station hanggang sa pagbibiyahe patungong Taft Avenue Station sa Pasay City.
Hindi siya nagsama ng sandamakmak na media people o camera man.
Dahil hindi naman niya layunin na pag-usapan ang pagsakay niya sa MRT.
Ang ginawa niya ay bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa nakatakdang imbestigasyon sa Lunes (Setyembre 1) na isasagawa ng Senate Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan.
Iimbestigahan ng kanyang committee ang sunod-sunod na aberya sa operasyon ng MRT na ikinasugat ng marami.
At sa kabilang ng insidenteng iyon ay wala pa rin masabi si Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretray Joseph Emilio Aguinaldo Abaya, kung paano niya ipararamdam sa mga commuters na ligtas sila kapag sumakay sa MRT.
Ang pagsakay ni Sen. Poe sa MRT ay malayong-malayo sa ginawang pagsakay ni Abaya na hindi pumila bagkus ay nag-short cut pa at pa-VIP ang dating.
Talaga bang hindi man lang tinatalaban ng kahihiyan ‘yang mga letseng taga-DoTC?!
Okey lang daw ang MRT, wala raw problema.
‘E hindi nga maramdaman ng commuters na ligtas sila ‘e!
Saan ka naman nakakita na ‘yung mass transit o mass transportation e palpak?!
Onli in da Pilipins!
Sa ibang bansa, ‘yang mass transit o train nila ang pinag-uukulan nilang pagbutihin at gawing moderno dahil makatutulong sa ekonomiya at sa gobyerno kung maagang nakararating sa kanilang destinasyon ang mga empleyado, estudyante at iba pang commuters.
‘E dito sa Pinas, drawing lang ang MRT. Pinagkikitaan ang bidding at operations. At kapag kumita na ang mga ‘LINTA’ bahala na ang mga commuter sa buhay nila.
‘Yan po ang MRT sa Philippines my Philippines.
Anong say mo, Secretary Abaya?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com