MARAMING concerned Pasayeños at city hall employees ang nakahunatahan natin kamakailan.
Nag-aalala sila para kay Pasay City Mayor Tony Calixto, na kinikilalang Liberal Party stalwart sa lungsod.
Ibig sabihin, inaasahan ng Liberal Party si Mayor Calixto na siyang magbabandila ng kanilang Partido sa Pasay City.
Pero duda sila na baka masilat sa mga susunod na panahon ang alkalde lalo pa’t papalapit na ang eleksiyon sa 2016 dahil sa isang personahe na nasa kanyang kampo ngayon.
‘Yan daw ‘yung bagong public information officer (PIO) na isang CHRISTIAN R. CARDIENTE.
Si Cardiente, ayon sa mga kahuntahan natin ay hindi taga-Pasay City pero gumamit siya ng address na No. 6 Caravelle St., Don Carlos Village, NAIA, Pasay City.
Kanilang natuklasan na si Cardiente ay taga-Las Piñas City pala. Ang huling address niya sa kanyang mga opisyal na dokumento ay No. 39, 5th St., Aguilar Compound, BFRV, Las Piñas City.
Lalong hindi siya botante sa Pasay City, malinaw ‘yan sa kanyang pinakahuling Comelec records.
Hindi journalism o mass communication ang kanyang kurso at lalong wala siyang practice bilang journalist.
Nakilala ang pangalan ni Cardiente nang bansagan niya si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ng “NOYNOYING” sa kanyang column sa Manila Standard Today noong Oktubre 8, 2011.
Hindi lang umano critic ni PNoy si Cardiente kundi kilalang media operator na tinutustusan ng mga kritiko ni Pnoy!?
Sa ilalim ng Local Code of the Philippines, ang public information officer ay may tungkulin na magbigay ng impormasyon at manaliksik ng mga datos na kinakailangan para sa paghahatid ng batayang serbisyo at probisyon ng sapat na pasilidad upang mabatid ito ng mamamayan nang kanilang lubusang mapakinabangan.
Isa lang ‘yan sa mga tungkulin ng PIO, kaya malaki ang pangangailangan na lokal sa isang lugar ang ilagay sa ganitong pwesto lalo na ‘yung mga tubo o taal talaga dahil kabisado nila ang kanilang siyudad.
Ang mga batayang impormasyon na nakalap ng isang PIO ang makatutulong nang malaki para maging makatotohanan at maramdaman ng constituents ang serbisyo ng local government unit (LGU).
Malinaw pa sa liwanag ng buwan na si Cardiente ay ‘in bad faith’ sa pagdedeklara ng mga datos tungkol sa kanyang tunay na pagkatao.
Mayor Tony Calilxto, Sir, tayo naman ay nagmamalasakit lang po sa inyo at sa inyong constituents, ano ang mahihita ng lungsod ninyo sa isang public information officer na hindi marunong maglahad ng katotohanan?!
Palagay ko’y alam na ninyo ang kasagutan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com