MUKHANG nagising na sa katotohanan ang Malacañang na hindi epektibong hepe ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) si Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr.
Bago masolo ni Kolokoy este Coloma nang magbitiw si Secretary Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) ang PCOO, mainit ang balitang matindi ang banggaan at girian ng dalawa. ‘E mukhang hindi umubra si Carandang kay Kolokoy este Coloma.
Kumbaga, kompara kay Coloma ‘e sisiyap-siyap na sisiw lang si Carandang.
Pero mukhang hindi nakabuti kay Secretary Coloma ang pagbibitiw ni Carandang dahil nabisto ng Malacañang na hindi niya kayang hawakan ang communications operation ng tanggapan ng Pangulo.
Nagkasunod-sunod ang bulilyaso ng Palasyo mula sa trahedyang Yolanda, sa pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP), at ngayon nga, ang sentimyento ng mga importer na nabalaho ang mga kargamento sa pier.
Sa lahat ng ‘yan, hindi man lamang nailayo ni Kolokoy este Coloma ang ‘sunog’ kundi tuluyan pang humina ang ‘depensa’ ng Palasyo.
Tinangka rin nilang gamiting kalasag ang ‘yellow fever’ pero hindi na kinagat ng publiko at mukhang sa ganoon lang nagwakas ang yellow magic ni Tita Cory.
Maging ang mga alagad ng sining na dating tila kumikinang na ginto ang popularidad sa pagsuporta kay PNoy ay nadamay sa humulas na magic at ngayon ay isa nang ‘kupas na dilawan.’
Kaya hindi na natin masisisi ang Palasyo kung kuhain nila ang serbisyo ng isang foreign public relation (PR) firm na dating nagsilbi noong administrasyon ni Erap Estrada sa Malacañang, upang matugunan ang bumabagsak na ratings ni Pangulong Benigno Aquino III.
Nagdepensa pa si Kolokoy este Coloma na wala raw siyang kinalaman sa pagkuha ng Malacañang sa serbisyo ni Paul Bograd, isang foreign pollster at strategist.
Sabi ni Koloyski, hindi kailangang kunin ang serbisyo ng ano mang PR firm dahil si Pangulong Aquino mismo ang pinakamahusay na PR man ng kanyang administrasyon sa mahusay na “performance” niya bilang Punong Ehekutibo ng bansa.
Hindi natin alam kung pinalalakas lang ni Secretary Coloma ang loob niya o talagang manhid lang siya …
Hindi mo ba nararamdaman Secretary Coloma na parang sinasabi sa iyo na magbalot-balot ka na?!
Aabangan namin ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com