NATUTUWA tayo na sa pagkakataong ito, isang Senador na katoto ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel ang nagawang maipasa sa Senado ang Joint Resolution No. 2 para sa kanilang increase sa subsistence allowance.
Ayon kay Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV, pangunahing may-akda at sponsor ng nasabing resolusyon, “sa pagtataas ng subsistence allowance ng ating mga sundalo at pulis sa pamamagitan ng resolusyong ito, inaasahang maitataas rin ang kanilang morale at kilalanin ang kanilang mga sakripisyo para sa ating bansa.”
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, itataas mula P90 hanggang P150 kada araw ang subsistence allowance ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel ng ating gobyerno simula 1 Enero 2015.
Partikular na sakop ng resolusyong ito ang mga opisyal, enlisted personnel, probationary second lieutenants, at civilian active auxiliaries ng Armed Forces of the Philippines; commissioned at non-commissioned na kawani ng Philippines National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology; mga kadete ng Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy; at Philippine Coast Guard.
Sa deliberasyon ng nasabing resolusyon sa Plenaryo, inihayag ni Sen. Trillanes ang pagkadesmaya kung paanong nananatiling isa sa may pinakamababang sweldo ang nabanggit na mga kawani ng gobyerno sa kabila nang bigat ng kanilang mga tungkulin.
Binanggit niya ang kalagayan ng mga sundalo at pulis na nakadestino sa malalayong lugar at iniiwan ang kaniang ATM card sa kanilang pamilya.
Ang kanilang sahod ay deretso sa kanilang ATM at ang subsistence allowance na lamang ang kanilang pilit na pinagkakasya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Hinikayat ko ang ating mga kasama sa Kamara na bigyan ng aksyon ang panukalang ito nang sa gayon ay maipatupad sa darating na Enero 1 ng susunod na taon,” diin ni Trillanes.
Ginawa ito ni Senator Trillanes sa kapasidad niya bilang tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security.
Marami na tayong nakausap na pulis at sundalo na lumaki ang bilib kay Senator Trillanes.
Ang dami na nga naman mga kabaro nila ang naging mambabatas, una na nga d’yan si Sen. Gringo Honasan at ang isa naging kalihim pa ng Department of National Defense na si Sen. Johnny Ponce Enrile ay hindi man lang nagsumikap na umakda ng makabuluhang batas na susuhay sa sektor o saray na kanilang pinanggalingan.
Gaya ng panawagan ni Senator Trillanes, inuulit ko po, SUPORTAHAN sana ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ang batas na ito para sa mga naglilingkod nating mga sundalo at pulis sa buong bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com