NANG malaman natin ang insidenteng ito, inakala ng inyong lingkod na K-9 DOG ang nakakagat sa kawawang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pero mali pala ang ating akala …
Ang nakakagat na aso, isang ‘super-tisoy’ (mixed breed dog) ay alaga pala ni Major Melchor de los Santos na dinala niya sa airport dahil wala raw mapagiwanan sa kanilang bahay.
Nakagat ni Major de los Santos ‘este’ ng aso n’ya nitong Agosto 3, ang isang pasahero na kinilalang si Henry Prile, na kagagaling lang mula sa Shanghai, China.
Kalalabas lang umano ni Prile sa comfort room sa tabi ng opisina ni Assistant General Manager for Security and Emergency Services (AGM-SES), retired Gen. Vicente Guerzon nang sakmalin ng aso ni De los Santos sa kanyang kanang binti.
Agad naman dinala sa clinic si Prile, nilinis ang sugat at sinaksakan ng anti-tetanus. Pinayuhan din daw ang pasahero na magpasaksak ng anti-rabies vaccine.
Sa bahagi ni Major De Los Santos, nangako siya na ipaaalam kay Prile at sa Airport medical unit kapag may nakitang kakaibang kilos sa kanyang aso, epekto ng rabies virus.
What the fact, talaga oo!!!
Saan ka naman nakakita ng airport na may askal este ‘super-tisoy’ na aso sa comfort room!?
Hindi pa ba nakabibiyahe sa ibang bansa si Major De Los Santos at hindi niya naiintindihan na ang naapektohan sa ganyang mga kaignorantehan ‘e ang buong bansa lalo ang seguridad sa ating Airports?!
Ipinag-utos na raw ni Airport Asst. GM for Security & Enforcement ret. Gen. Vicente Guerzon na tanggalin agad ang nasabing aso sa airport para hindi na maulit ang nasabing insidente.
Tsk tsk tsk …
Buti na lang hindi si AGM Guerzon ang nasakmal at nakagat ng aso dahil malapit lang dito ang opisina n’ya.
‘Di ba, Major De Los Santos?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com