KAPWA sugatan ang mag-utol makaraan saksakin at hatawin ng bote ng beer ng tatlong kainoman nang magkapikonan kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Nilalapatan ng lunas sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktimang si Jonathan Flores, 28, tinamaan ng saksak sa dibdib, habang sugatan ang ulo ng kapatid niyang si Joseph, 29, merchandizer, kapwa residente ng #73 Celia St., Brgy. Tinajeros ng nasabing lungsod.
Tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Andy Manahan, Bert de Leon at Richard Sablan, mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Batay sa ulat ni SPO1 Jerry Dela Torre, naganap ang insidente dakong 3:30 a.m. sa M.H. Del Pilar St., Brgy. Tugatog ng nasabing lungsod.
Habang nag-iinoman ay nagkapikonan sila na nagresulta upang pagtulungang bugbugin ng mga suspek ang magkapatid. (R. SALES)