SINO’NG nagsabi na tanging ang malalaki o matatanda lang ang kapupulutan ng mahahalagang aral? Minsan, ang pinakasimpleng solusyon ay nanggagaling sa isang bata—isang bagay na masyadong maliit kaya hindi napapansin ng komplikadong utak ng matatanda.
Ang batang demokrasya ng Bhutan, isa sa pinakamaliliit na bansa sa mundo na napapagitna sa dalawang higante, ang India at China, ang magtuturo sa atin ng isang makapangyarihang konsepto—ang pagtukoy sa kaligayahan ng mamamayan nila bilang sukatan ng yaman ng bansa. Tinatawag nila itong Gross National Happiness (GNH) Indicator.
Si King Jigme Singye Wangchuck, na nagpasimula ng modernisasyon sa Bhutan, ang nagsulong ng konsepto ng GNH na noong una ay isa lang kaswal na komento. Pero sineryoso ito nang idinebelop ng Center of Bhutan Studies ang isang sopistikadong survey instrument upang sukatin ang general level ng wellbeing o kagalingan ng populasyon nito.
Alinsunod sa GNH, ang kagalingan ay nangangahulugan ng maayos at kontentong kalagayan ng masasabing “good life” batay sa values at mga prinsipyo ng konsepto.
Noon, tinutukoy ang GNH batay sa apat na factor: maayos na pamumuno, napapanatiling socio-economic development, pangangalaga sa kultura, at pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan. Ang apat na larangang ito ay inuri pa sa siyam na bahagi: psychological wellbeing, kalusugan, edukasyon, paggamit ng oras, cultural diversity at resilience, mahusay na pamumuno, community vitality, ecological diversity at resilience, at pamantayan sa pamumuhay. Kinakatawan ng bawat bahagi ang mga bagay na bumubuo sa kagalingan ng mamamayan.
Ang punto rito: Maaaring mayaman ang isang bansa pero kung hindi naman maligaya ang mamamayan, ano ang silbi nito?
Dapat na bawat gobyerno, lalo na ang sa Pilipinas, ay magabayan ng prinsipyong ito.
Kapag ginamit ang konseptong ito sa ating bansa, gaano kaya tayo magiging maligaya bilang mamamayan? Ginoong Pangulo, may ideya po ba kayo kung ilan sa iyong mga boss ang maligaya?
***
Isa pang maliit na bansa sa hilagang bahagi ng kontinente ng Africa ang Tunisia.
Nasabi sa akin ng ilang leader mula sa Lions Clubs International na nang bisitahin nila ang nasabing bansa ay nabatid nilang ibinibigay sa bawat ulila roon ang apelyido ng Pangulo ng bansa. Isang napakadakilang ideya na akuin ng isang leader ang responsibilidad sa pag-aaruga sa mga batang ulila bilang kanilang guardian.
Kung ipatutupad din ito sa Pilipinas, magkakaroon ng daan-daang libong Pinoy na may apelyidong Aquino.
At dahil dito, magiging single parent si PNoy ng maraming Pinoy. Ang tanong, gusto kaya nila?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.