HINDI natin maintindihan kung bakit ipinagkakatiwala ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO) sa Prime Movers for Peace and Progress Association (PRIMO) ang checkpoint na inilalatag nila sa mga pangunahing kalsada sa nasabing lalawigan.
Mga miyembro umano ng PRIMO ang pumapara, sumisita, nagbubusisi, humihingi ng dokumento at nagrerekisa sa motorbikers.
Ang tanging papel umano ng mga kagawad ng PNP o lespu ay mag-isyu ng tiket.
Ganito ang modus operandi: Paparahin ng PRIMO ang motorbikers na sa tingin nila ay dapat nilang isailalim sa checkpoint.
Kapag nakahinto na, biglang susulpot ang lespu. Ang pagsulpot ng pulis ay tila nangangahulugan na aprubado nila ang checkpoint na ‘pinangungunahan’ ng PRIMO.
What the fact!?
Ngayon, gusto natin itanong kay BPPO chief, Senior Supt. Ferdinand Orcales Divina, kung alam at pinapayagan ba niya ang ganitong sistema?!
Sabihin na nating deputized ang PRIMO sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement (MOA), ano ang ang accountability nila sa mga nate-checkpoint nila?!
Sa bahagi ng PRIMO, ano ang napapala ninyo sa pagtse-checkpoint? Bakit ninyo isinusuong ang buhay ninyo sa isang gawain at responsibilidad na hindi naman para sa inyo?
Bakit kailangan ninyong pumapel sa trabaho ng pulis!?
Kinikilala natin ang people’s voluntarism for a cause pero hindi sa ganyang uri ng gawain at responsibilidad dahil nangangailangan ‘yan ng awtoridad o kapangyarihan na ‘stipulated’ alinsunod sa umiiral na batas.
Sa ganang atin, kung may personal na kaalaman dito si S/Supt. Divina, mayroon pangangailangan na muli niyang busisiin ito dahil nakikita natin na mukhang mayroong mga butas na pagmumulan ng bulilyaso sa hanay ng pulisya at PRIMO.
May mga reklamo na kasabwat pa ang PRIMO sa mga kotong checkpoint diyan sa Bulacan?!
‘E baka d’yan pa sumakit ang ULO mo KERNEL DIVINA … tsk tsk tsk …
Ayusin mo ‘yan, Kernel!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com