IDINEKLARANG bagong world snail racing champion ang isang 5-anyos batang lalaki makaraan mapagwagian ang nasabing titulo sa Norfolk.
Nanalo si Zeben Butler-Alldred, mula sa London, makaraan makompleto ng alaga niyang kuhol na si Wells, ang karera sa Congham sa loob ng 3 minuto at 19 segundo.
Ito ay malayo pa sa world record time na dalawang minuto na itinala ng kuhol na si Archie noong 1995, ngunit kinilala pa rin ito bilang good time.
Sa nakaraang mahigit 25 taon, ang World Snail Racing Championships ay ginaganap sa Congham, malapit sa King’s Lynn.
Ang kuhol ay nagkakarera mula sa gitna ng bilog patungo sa labas – sa distansiyang 13 pulgada. Ang mga kuhol ay inilalagay sa gitna at nakaharap sa tamang direksiyon.
Ang kuhol na unang makalalabas sa bilog ang mananalo. (ORANGE QUIRKY NEWS)