ARGUMENTO ngayon sa korte ang paglaglag ‘este’ pagsibak ni Erap kay retired Justice Artemio G. Tuquero bilang University President ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
S’yempre trabaho na ng mga eksperto sa batas ‘yang pag-aargumento kung matuwid at kung naaayon ba sa umiiral na praktis at batas ang ginawang pagsibak ni Erap.
Kung pagbabatayan ang umiiral na praktis alinsunod sa regulasyon ng PLM ang pagsibak kay Tuquero ay tahasang pambabastos sa Board of Regents.
Sinibak daw si Tuquero base sa resolusyon ng Board noong Hulyo 2, 2014 na inire-recall at iniwi-withdraw ang election sa dating Justice Secretary bilang University President ng PLM.
Marami ang naniniwala na labag sa umiiral na regulasyon ang nasabing pagsibak kay Tuquero dahil ang sinasabing pulong ng Board of Regents ay hindi naipatawag/naihayag nang wasto para siguruhin ang pagdalo ng bawat Board kaya walang quorum.
Sa madaling sabi, mukhang mayroong pagmamaniobra na naganap sa pagsibak kay Tuquero.
Pero ayon sa umiikot na kwentohan sa Manila City Hall, ang tunay na rason ng pagsibak kay Tuquero ay nang hindi siya pumabor na maging OPISYAL ng PLM ang anak ng isang SPOILED na KAALYADO (ex-pulis) ni Erap.
Napag-alaman din natin na ang ‘SPOILED’ na alyado ni Erap ang dahilan din ng pagkasira ng relasyon nila ng isang dating matalik na kaibigan.
Mukhang malagkit pa sa galapong ang pinagsamahan ni Erap at ng kanyang ‘spoiled’ na alyado dahil kaya n’yang ipagpalit ang pagkakaibigan.
Si retired Justice Tuquero ay miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC). At hindi maipagkakaila na ilang beses sinuportahan ng INC si Erap.
Dahil rin kaya sa kanyang ‘SPOILED’ na alyado kaya parang nagiging ingrato na si Erap?!
Dapat na sigurong isipin ni Erap kung ang kanyang ‘spoiled’ na alyado ay nakatutulong ba talaga sa kanya o ibinubulid lang siya sa pakikipagkasira sa mga tunay na kaibigan.
Ano sa palagay ninyo, mga suki?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com