ISA ako sa natuwa nang tanghaling Grand Champion ng The Voice Kids ang siyam na taong gulang na si Lyca Gairanod ng Cavite. Bale siya ang nanguna sa botohan base sa tatlong rounds na Power Ballad, Upbeat Song, at Special Performance with a Celebrity guest. Siya rin ang nakakuha ng pinakamaraming text at online votes mula sa taumbayan mula sa two-night-finale ng singing reality show.
Ktiang-kita ang katuwaan ni Lyca ganoon din ng kanyang magulang dahil napanalunan niya ang P1-M, one-year recording contract mula sa MCA Universal, ang house and lot mula Camella, home appliance showcase, musical instrument showcase, at P1 milyong worth ng trust fund.
Pumangalawa sa kanya si Darren Espanto ng Team Sarah din, kasunod sina Juan Karlos Labajo ng Team Bamboo, at Darlene Vibares ng Team Lea.
Bale kinanta ni Lyca ang mga awiting Narito Ako ni Regine Velasquez para sa kanyang ballad at ang Call Me Maybe ni Carly Rae Jepsen para sa upbeat song noong Sabado ng gabi, pero ang sinasabing tumatak sa mga manonood ay ang performance niya ng Basang Basa sa Ulan at pakikipagsabayan sa bandang Aegis noong Linggo (Hulyo 27) na umani ng standing ovation mula kina coach Lea, Bamboo, at sa audience ng Resorts World Manila.
Hindi pa man nagsisimulang umere ang The Voice Kids ay gumawa na ng ingay si Lyca dahil sa kanyang blind audition performance ng Halik ng Aegis na nagsilbing isa sa mga teaser para sa pagsisimula ng programa at naging isang viral hit.
Ang kauna-unahang The Voice kids Grand Champion na si Lyca kasama ang pamunuan ng Camella sa pangunguna ng kanilang presidenteng si Ms. Maribeth Tolentino.
Kung ating maaalala, si Lea ang nagbagsag kay Lyca bilang “little superstar” matapos siyang ikompara nito kay Nora Aunor.
Si Lyca ay anak ng isang mangingisda samantalang ang ina naman niya’y nangangalakal ng basura na kung minsan ay tinutulungan ni Lyca. Naibahagi rin ni Lyca noon na minsa’y kumakanta siya para sa kanyang mga kapitbahay para bigyan ng pera o pagkain.
Samantala, nagtala naman ng pinakamataas na ratings ang The Voice Kids simula nang ito ay umere noong Mayo. Bale ito ang pinaka-tinututukang programa sa buong bansa. Nakamit nito ang all-time high national TV rating nitong 37.7% sa unang gabi ng finale noong Sabado (Hulyo 26), habang 37.2% naman noong Linggo (Hulyo 27).
Congrats to ABS-CBN sa napakagandang programa lalo na kay Lyca dahil tiyak na malaki ang mababago sa buhay niya ngayong siya ang itinanghal na The Voice Kids Grand Champion.
Hindi na tayo maghihirap — Lyca
SAMANTALA, ganoon na lang ang pasasalamat ni Lyca sa lahat ng bumoto sa kanya at sinabing, “Maraming, maraming salamat po kay Jesus. Thank you po na pinanalo niyo po ako. Mama, hindi na tayo maghihirap. Nanalo na ako sa ‘The Voice Kids.’ Naiisip ko po ‘yung kapatid kong naiwan at ‘yung kapatid ko rin pong namatay. Bibili po kami ng bahay,” sambit ni Lyca sa interview ng abscbnnews.com matapos ang pagkapanalo niya noong Linggo.
Pero nang sabihin sa bata na mayroon na siyang napanalunang bahay at lupa, ito ang mabilis niyang sinabi. “Bibili na lang po kami ng kung anong gusto po ng mga kapatid ko.”
Hindi naman inaasahan ng mga magulang ni Lyca na ang kanilang anak ang magwawagi. “Hindi ko po akalain siya ‘yung tinawag. Ayaw ko pong marinig, ayaw kong marinig kung kaninong pangalan. Tapos siya pala ang tinawag. Hindi ko po alam kung anong gagawin… Sobrang saya ko po. Pangarap niya po ito para sa amin,” anang ina ni Lyca.
Sinabi pa ng ina ni Lyca na pag-aaralin na niya ang kanyang anak. “‘Yun lang naman po talaga ang gusto niya, na balang araw marunong daw siya mag-English at naiintindihan niya lahat. Ang gusto ko sa kanyang mangyari is makapagtapos siya ng pag-aaral.”