BUKAS, araw ng Linggo, ihahatid na sa huling hantungan ang isa sa mga kinikilalang manunulat at mamamahayag sa bansa — si Cornelio “Tata Kune” De Guzman.
Supling ni Tata Kune ang ilang beses nang nahalal na Director ng National Press Club (NPC) na si Tempo editor Ronniel de Guzman — ang ama naman ng kontemporaryong actor na si JM De Guzman.
Hindi ko malilimutan si Tata Kune … dahil mula sa unang pagkakataon na ako’y tumakbong direktor ng NPC (2004) ay hindi lang niya ako sinuportahan kundi ikinampanya pa.
At sa bawat pagtakbo natin hanggang maging Pangulo ang inyong lingkod ng NPC noong 2010 – 2012 laging nakaalalay si Tata Kune at ang mga kasama niyang NPC Lifetime Members.
Hindi lang suporta, kundi naramdaman din natin ang pusong-ama ni Tata Kune sa mga panahon na tayo’y kanyang pinapayuhan.
Kay Tata Kune, hindi kailangan dumaing, siya mismo, para siyang sariling tatay na nararamdaman kapag kailangan mo ng payo at mga pangaral.
Sa mga batang mamamahayag, alam natin na bihira na lang ang nakakikilala sa kanya …nanghihinayang tayo para sa mga batang hindi na siya nakilala …
Naalala natin noong panahon na tayo’y nanunungkulan bilang NPC President, binibigyan natin ng pagkilala ang NPC LIFETIME MEMBERS kahit posthumous na.
Naniniwala tayo na deserving si Tata Kune para sa ganitong pagkilala.
Paalam Tata Kune … hangad natin ang iyong mapayapang paglalakbay patungo sa Dakilang Pinagmulan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com